Recto, inilunsad ang mga proyektong pangkaunlaran sa Quezon
- Published on November 16, 2026
- by Francis Paolo Torres
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon — Pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto ang paglulunsad ng iba’t ibang proyektong pangkaunlaran sa lalawigan ng Quezon nitong Biyernes, Nobyembre 13, kung saan tinatayang 2,000 benepisyaryo ang direktang nakatanggap ng tulong at serbisyo.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.
Unang binisita ni Recto ang Quezon Provincial Hospital Network–Quezon Medical Center (QPHN-QMC) upang inspeksyunin ang kasalukuyang kalagayan ng mga pasilidad at kumustahin ang mga pasyenteng nagpapagamot dito. Nakasalamuha rin ng kalihim sa ospital ang ilang mag-aaral at graduating students mula sa iba’t ibang barangay na kabilang sa Presidential Scholars.
Kasunod nito, pormal na tinanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon, sa pangunguna ni Gobernador Doktora Helen Tan, si Recto para sa Ceremonial Rice Distribution Program at Bawat Barangay Makikinabang Project Showcase. Tampok dito ang mga proyektong ipinatutupad sa ilalim ng Barangay-Identified Development Project na tumutugon sa direktang pangangailangan ng mga barangay.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, patunay ang pagbisitang ito ng matibay na ugnayan sa pagitan ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang matiyak na umaabot sa antas ng barangay ang mga programa ng gobyerno. Nagpaabot din ng pasasalamat si Gobernador Tan kina Pangulong Marcos at Recto sa patuloy na suporta sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan at pangkaunlaran sa Quezon.
Dumalo rin sa pagtitipon sina Bise Gobernador Anacleto “Third” Alcala III; mga kongresistang sina Mark Enverga (Unang Distrito), Reynan Arrogancia (Ikatlong Distrito), at Keith Tan (Ikaapat na Distrito); at mga bokal na sina Julius Luces, Vinnette Alcala-Naca, Kim Tan, Rachel Ubana, at JJ Aquivido.
Nagpakita rin ng suporta ang mga punong barangay at mga alkalde sa lalawigan na pinangunahan ng Presidente ng Liga ng mga Punongbayan na si Mayor Sonny Ubana (Lopez). Kasama niya sina Mayor Vincent Arjay Mea (Tiaong), Mayor Aris Aguirre (Mulanay), Mayor Elvis Uy (Atimonan), Mayor Orlan Calayag (Dolores), Mayor Erwin Pastrana (Mauban), Mayor Nikko Devanadera (Sampaloc), Mayor Ravs Diokno (Padre Burgos), Mayor Artem Mamburao (Macalelon), Mayor Benson Sanggalang (General Luna), Mayor Mon Orfanel (Catanauan), Mayor Alfred Rigor Mitra (Panukulan), at Mayor Rey Rosilla (Buenavista).
Dumalo rin sina Mayor Zaldy Saavedra (Plaridel), Mayor Gigo Portes (Pagbilao), Mayor Angelique Bosque-Pico (Polillo), Mayor Claire Larita-Natividad (Patnanungan), Mayor Gina Gonzales (Burdeos), Mayor Erick Wagan (San Antonio), Mayor Cesar Isaac (Guinayangan), Mayor Venchie Aguilar (Agdangan), Mayor Jhonny Escolano (Quezon), Mayor Ays Canimo (Alabat), Mayor Charrize Marie Escalona (Perez), Mayor Julie Ann Macasaet (Real), at Mayor Tenten Villaverde (Lucban).
(Yvonne Bagang/ Kim Bornella/ Jeremiah Solomon/ Photos Boy Morales Sr.)