Quezon City jail ‘bukas na’ sa mga sabit sa flood scam – DILG
- Published on October 27, 2025
- by @peoplesbalita
HANDA na ang mga kulungan ng Bureau of Jail Managament and Penology (BJMP) sa oras na may makasuhan sa mga akusado kaugnay ng flood control anomaly.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, posibleng sa New Quezon City Jail dalhin ang mga makakasuhan dahil malapit ito sa Sandiganbayan at mas praktikal para sa mga akusado na dadalo sa mga pagdinig sa kaso.
“This is a place where they will be detained during the hearings. Kung ma-convict sila, sa maximum security sila malalagay. But we’re showing we’re ready. Handa na ang BJMP para gampanan ang katungkulan namin,” pahayag ni Remulla.
Ang bagong jail wing ay kayang mag-accommodate nang hanggang 800 katao. Ang bawat selda ay may limang bunk beds, toilet, shower at lababo.
Hiwalay ang kulungan ng babae at lalaki para matiyak na walang mag-asawa ang nakakulong sa iisang selda.
Ang bagong QC Jail ay aniya, ang pasilidad ay mayroon ding infirmary para sa pangangailangang medical ng mga bilanggo at may iba pang amenities tulad ng sunning area, basketball court, receiving area, at chapel.
Ang bagong QC Jail ay mamanduhan ng halos 700 tauhan na may body cameras at magpapatupad ng matinding security protocols sa lugar.
Tiniyak ni Remulla na wala ditong special treatment sa mga bilanggo, walang airconditioning at walang personal communication devices.
“Ang nakikita kong mai-indict diyan ay mga district engineer, congressman, senator, contractor — ‘yong congressman na contractor. Kailangan kasi pakita natin sa tao na patas ang batas eh. ‘Yong nagnanakaw ng P100 na lotion, dito kinukulong. Eh, dapat ‘yong nagnanakaw ng daan-daang milyon at bilyon, dito na rin sila kinukulong,” sabi pa ni Remulla.
Ayon sa kanya, aabot sa 200 katao ang posibleng kasuhan sa susunod na tatlong linggo, at unang makakasuhan ang mga pangalang lumabas na sa mga pagdinig ng Senado.
Bagaman hindi niya diretsong kinumpirma, sinabi ni Remulla na mabigat ang mga ebidensyang lumabas sa mga pagdinig.