Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
NILINAW ng Department of Transportation (DOTr) na ang paggamit ng “One RFID” ay hindi naman mandatory para sa mga motorista.Matatandaang inilunsad na ng DOTr, sa pangunguna mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang ‘One RFID, All Tollways System,’ kamakalawa.Nilinaw naman ni Acting DOTr Secretary Giovanni Lopez na “hindi required” ang mga motorista na mag-shift o gumamit ng bagong sistema dahil ang naturang unified toll payment scheme ay hindi naman mandatory, kundi opsiyonal lamang.Ayon kay Lopez, ang mahalaga lamang ay mayroong opsiyon ang mga motorista.Paliwanag ni Lopez, kung masaya naman na ang mga motorista sa kanilang kasalukuyang setup na dalawa ang ginagamit na RFIDs ay maaaring ipagpatuloy nila ang paggamit dito.“Pero ang importante dito, ay ito ay isang option. Kung masaya kayo sa inyong current setup that you maintain two RFIDs — pupuwede pa rin po,” ani Lopez, sa panayam sa radyo.“Pero kung gusto niyong subukan itong One RFID, All Tollways — puwede rin po,” aniya pa.Matatandaang matapos ang walong taon, pormal nang nailunsad ang One RFID System upang mapahintulutan ang mga motorista, na gumamit ng iisang RFID na lamang, na maaaring Autosweep o Easytrip, sa pagdaan sa lahat ng expressways sa Luzon.Ang mga motoristang interesado sa naturang bagong sistema ay maaaring mag-register online o ‘di kaya ay sa mga designated toll stations.
NAGTALA na ng gintong medalya ang Pilipinas sa 3rd Asian Youth Games na ginaganap sa Manama, Bahrain.
Nakuha ni Kram Airam Carpio ang unang gintong medalya sa girls 51-55 kg. division sa sport na Pencak Silat.
Tinalo nito si Qiken Dwi Olifia ng Indonesia sa score na 33-19.
Nagpasalamat si Carpio sa mga Pinoy dahil sa pagsuporta sa nasabing delegasyon.
Sasabak ang mga atleta ng bansa sa mga sports ng volleyball, teqball, golf, triathlon, mixed martial arts, taekwondo, muay, athletics, boxing,cycling weightlifting, table tennis, badminton, wrestling, swimming, jiujitsu at kurash.
Mayroong mahigit 4,300 na atleta ang kalahok mula sa 253 events ng 24 sports.
UMAASA si Ms. Helen Rose Domingo, head ng Provincial Sports Development Office sa Ilocos Norte na mas maraming medalya, lalo na ang ginto, ang makukuha ng mga atleta sa lalawigan na lalahok sa Batang Pinoy 2025 na gaganapin sa General Santos City.
Magpapadala ang lalawigan ng 49 na atleta na sasabak sa Batang Pinoy.
Ayon kay Domingo, nagtipon-tipon ang mga atleta mula sa tatlong schools division sa lalawigan, – ang Schools Division ng Ilocos Norte, Laoag at Batac Batac.
Kabilang sa lalahukan ng mga atleta ng Ilocos Norte ay martial arts, arnis, gymnastics, swimming, table tennis at athletics.
Sasamahan ang mga atleta ng mga medics mula sa Resiliency Office, mga opisyal ng DepEd, sports development officers, at mga coach.
Samantala, sinabi ni Domingo na inaprubahan ng pamahalaang panlalawigan ang pondong P3 milyon para sa Batang Pinoy.
Dagdag pa rito, nagbigay rin si Gov. Cecilia Araneta-Marcos para sa travel allowance ng provincial delegate.
Maalala na nakapag-uwi ng limang gintong medalya ang mga atleta ng Ilocos Norte mula sa gymnastics event noong nakaraang taon.
NASA 17 pamilya o 72 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa Tonsuya covered court matapos ang naganap na sunog sa Barangay Catmon. Namahagi sina Mayor Jeannie Sandoval ng food packs, hygiene kits, at hot meals para sa kanila.
Ayon pa sa Mayora inaasahang madadagdagan pa ang mga pamilyang mananatili rito, kaya naman inihanda ang lugar para masigurong ito ay maayos at ligtas.
Sa Catmon Integrated School naman ay 60 na pamilya ang nabigyan ng hygiene kits, foodpacks, at hot meals bilang bahagi ng ating relief operations .
‘Kasama ang mga komunidad, ating tutugunan ang inyong mga pangangailangan at sisiguruhin na kayo ay nasa maayos na kalagayan,” pahayag ni Mayor Jeannie. ( Richard Mesa)
HANDA na ang mga kulungan ng Bureau of Jail Managament and Penology (BJMP) sa oras na may makasuhan sa mga akusado kaugnay ng flood control anomaly.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, posibleng sa New Quezon City Jail dalhin ang mga makakasuhan dahil malapit ito sa Sandiganbayan at mas praktikal para sa mga akusado na dadalo sa mga pagdinig sa kaso.
“This is a place where they will be detained during the hearings. Kung ma-convict sila, sa maximum security sila malalagay. But we’re showing we’re ready. Handa na ang BJMP para gampanan ang katungkulan namin,” pahayag ni Remulla.
Ang bagong jail wing ay kayang mag-accommodate nang hanggang 800 katao. Ang bawat selda ay may limang bunk beds, toilet, shower at lababo.
Hiwalay ang kulungan ng babae at lalaki para matiyak na walang mag-asawa ang nakakulong sa iisang selda.
Ang bagong QC Jail ay aniya, ang pasilidad ay mayroon ding infirmary para sa pangangailangang medical ng mga bilanggo at may iba pang amenities tulad ng sunning area, basketball court, receiving area, at chapel.
Ang bagong QC Jail ay mamanduhan ng halos 700 tauhan na may body cameras at magpapatupad ng matinding security protocols sa lugar.
Tiniyak ni Remulla na wala ditong special treatment sa mga bilanggo, walang airconditioning at walang personal communication devices.
“Ang nakikita kong mai-indict diyan ay mga district engineer, congressman, senator, contractor — ‘yong congressman na contractor. Kailangan kasi pakita natin sa tao na patas ang batas eh. ‘Yong nagnanakaw ng P100 na lotion, dito kinukulong. Eh, dapat ‘yong nagnanakaw ng daan-daang milyon at bilyon, dito na rin sila kinukulong,” sabi pa ni Remulla.
Ayon sa kanya, aabot sa 200 katao ang posibleng kasuhan sa susunod na tatlong linggo, at unang makakasuhan ang mga pangalang lumabas na sa mga pagdinig ng Senado.
Bagaman hindi niya diretsong kinumpirma, sinabi ni Remulla na mabigat ang mga ebidensyang lumabas sa mga pagdinig.
INIHAYAG ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na ang mga akusadong sangkot sa flood control anomaly ay kailangan munang magbalik ng kabuuang halaga nang nakulimbat na pondo mula sa pamahalaan kung nais na pumasok sa plea bargain sa gobyerno.
Ang plea bargaining ay isang proseso sa lahat ng kasong kriminal tulad ng pagnanakaw, drug case o murder case kung saan ang akusado o piskal ay maaaring magkasundo at may pahintulot na aminin ang paratang na kaso para mapababa ang sentensiya.
“Pwede mag plea-bargain basta may full restitution. We have five cases at least going to preliminary investigation already. Which means, pwede mabilis kasi ang period naman dito to answer is 10 days. And we can join the issues immediately,” pahayag ni Remulla.
Aniya, hindi dapat magtagal ng higit isang taon ang pagbusisi sa mga reklamo hanggang sa fact-finding at preliminary investigation para sa filing o pag-dismiss sa reklamo. ( Gene Adsuara)
INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na balak ng gobyerno na mag-invest ng mga bagong vessels, aircraft, equipment, at logistics para sa Philippine Coast Guard (PCG) bilang bahagi ng commitment nito na palakasin ang kakayahan ng ahensiya.
Sa isinagawang pagdiriwang ng 124th founding anniversary ng PCG sa PCG headquarters sa Port Area, Manila, tiniyak ni Pangulong Marcos na ang gobyerno ay solidong nasa likod at nakaalalay sa PCG, napatunayan ang dedikasyon nito at lakas ng loob na protektahan ang mamamayang Filipino, lalo na sa panahon ng kalamidad.
“We will keep investing in new vessels, in aircraft, command posts, and communication systems. We will improve training, facilities, and logistics to provide every PCG personnel a sense of dignity in fulfilling their roles,” ang sinabi ng Pangulo.
Inanunsyo rin ng Punong Ehekutibo ang mga plano na magtayo ng mga pasilidad “to ensure that your welfare, whether at sea or on land, remains a priority.”
Kabilang sa mga pasilidad ang PCG General Hospital, Maritime Law Enforcement Training Center sa Misibis, at First Responder and Nursing Service Facility.
Sa kabilang dako, pinuri naman ni Pangulong Marcos ang PCG para sa pagbibigay ng magandang halimbawa at dedikasyon sa paglilingkod sa mga tao, na mahalaga para maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng gobyerno.
“I know that these are difficult times that we live in. Our people’s trust in government has been shaken; we cannot deny it. But I am certain that trust can be regained if we remain transparent and true to our mission,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Whenever our people see you during rescue missions or in your day-to-day patrols, they will see that the government is still working diligently and is worthy of their trust,” anito.
“Each time you sail, you remind the world that the Philippines will always protect what is ours,” dagdag na pahayag ni Pangulong Marcos. ( Daris Jose)
Eksaktong isang taon na pagtatago, naaresto na ang suspek sa pamamaslang kay Bulacan Association of Barangay Captains (ABC) president Ramil Capistrano at driver na si Shedrick Toribio, ng pinagsanib na pwersa ng mga awtoridad, sa Navotas City, nitong Miyerkules, Oktubre 22.
Sa ulat mula sa Camp Olivas, Police Regional Office 3, dinakip si alyas “Lupin”, 35 anyos, fishnet maker at residente ng Barangay Tangos, Navotas City, ala-1:30 ng madaling araw ng Oktubre 22, sa nasabing barangay ng magkasanib na pwersa ng Tracker Team ng Provincial Intelligence Unit (PIU)–Bulacan PPO (lead unit), sa koordinasyon ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company at ng Navotas City Police Station.
Mahigit 2 buwan na surveillance bago ang operasyon na pagsisilbi ng warrant of arrest para sa 2 counts of murder na inisyu ni Hon. Felizardo Soriano Montero Jr., Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 11, Malolos City, Bulacan, na may petsang Pebrero 20, 2025, na walang inirekomendang piyansa.
Isa si “Lupin” sa apat na suspek na sangkot sa pananambang na ikinasawi nina Capistrano at Toribio noong Oktubre 3, 2024, sa Brgy. Ligas, Malolos City. (Richard Mesa)