• June 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Political dynasties at contractors, pagbawalang makapasok sa party-list system

ISINUSULONG ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na siguruhing mababantayan at mapigilan ang mga political dynasties, maiwasan ang conflicts of interest, at maimpluwensiyahan ng pulitika ang party-list system.

Sa inihaing House Bill (HB) No. 9906, o panukalang New Party-List System Act, nakapaloob sa probisyon na magbabawal sa sinumang indibidwal na konektado sa incumbent members ng kongreso, government contractors, at dating elective officials mula sa pagsisilbi bilang party-list nominees.

Ang panukala ay isa sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bill at bahagi ng legislative reform measures.

Ang panukala ay inihain ni Speaker kasama ang mga miyembro ng Party-List Coalition Foundation, Inc. (PCFI), sa pangunguna nina Rep. Jose “Bong” Teves Jr. ng TGP Party-list, Rep. Jude Acidre ng Tingog Party-list, Rep. Raymond Democrito Mendoza ng TUCP Party-list, Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Partylist, Rep. Brian Poe of FPJ Panday Bayanihan Party-list, Rep. JC Abalos of 4Ps Party-list, at Minority Leader Marcelino Libanan ng 4Ps Party-list.

“Ang party-list system ay nilikha upang palawakin ang representasyon, hindi upang palawakin ang kapangyarihan ng iilang pamilya,” ani Dy. Kung tunay tayong naninindigan para sa isang mas bukas, mas patas, at mas inklusibong demokrasya, dapat nating tiyakin na ang party-list system ay nananatiling tapat sa orihinal nitong layunin na bigyan ng boses at pagkakataong makilahok sa paggawa ng batas ang mga sektor at komunidad na kulang sa representasyon.”

Sa ilalim ng panukala, ang sinumang indibidwal na may relasyon hanggang second degree of consanguinity o affinity na nakaluklok bilang senador ay diskuwalipikado na manomina o magsilbing party-list representative.

Pinadidiskuwalipika rin ang mga incumbent elective officials, mga indibidwal na nabigyan ng government contracts, concessions, franchises, o public-private partnership agreements sa loob ng limang taon bago ang eleksyon. Mga opisyal at controlling shareholders ng corporations na may government contracts ay pinagbabawalan ding magsilbing nominees.

Nire-require naman sa mga dating elective officials at kandidato na palagpasin ang isang halalan bago maging party-list nominees.

Dagdag pa, na kailangang sertipikahan ng mga party-list organizations na hindi sila direkta o indirectly na binuo ng political dynasties at wala ring kaugnayan sa mga indibidwal na may beneficial interests sa government contracts.

Sinusuportahan ng panukalang New Party-List System Act ang Anti-Political Dynasty Act, na inaprubahan kamakailan ng Kamara sa ikatlong pagdinig.

“Ang tiwala ng taumbayan ay nakasalalay sa paniniwalang ang mga kinatawan ay tunay na nagsisilbi sa kanilang sektor at hindi sa pansariling interes. Ito ang nais nating tiyakin sa panukalang ito.”

(Vina de Guzman)