POGO ban na utos ni PBBM, ‘malaking factor’ sa pagkakaalis ng Pinas mula sa FATF grey list –Malakanyang
- Published on March 3, 2025
- by Peoples Balita
NAKATULONG ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatupad ang total ban sa lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa para maalis ang Pilipinas mula sa Financial Action Task Force (FATF) grey list.
Kung matatandaan, ipinag-utos ni Pangulong Marcos, sa kanyang State of the Nation Address noong July 2024, na ipagbawal ang lahat ng POGO sa bansa matapos ang ilan dito ay masangkot sa krimen kabilang na ang human trafficking, serious illegal detention, at money scams.
“Opo, napakalaki pong naging factor ito (POGO ban) para makita ng FATF ‘yung improvement,” ang sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang panayam.
“At lalong-lalo na po, mayroon kasing Executive Order No. 33. Talagang inutos ni Pangulong Marcos na dapat maiayos lahat, kung anuman ang rekomendasyon, lahat ng dapat na gawin ay gawin para po matanggal tayo sa grey list kasi malaki pong bagay ito lalong-lalo na sa mga OFWs at sa mga investors,” dagdag na wika nito.
Sa ulat, ipinalabas ang EO 33 noong 2023, itinatag ang anti-money laundering, counter-terrorism financing, at counter-proliferation financing strategy ng bansa para sa 2023-2027.
Nauna rito, sinabi ni Castro na ang pagsisikap ng pamahalaan at reporma sa paglaban sa money laundering at terrorism financing ay nagresulta rin ng pag-alis ng Pilipinas mula sa FATF grey list.
Ang desisyon ng FATF na alisin ang bansa sa grey list nito ay matapos ang isang onsite visit mula January 20 hanggang 22, kung saan naging matagumpay na maipakita ang pagsunod sa action plan nito.
Ang FATF, isang independent organization na may 39 miyemro, kabilang ang Pilipinas sa ilalim ng tumaas na monitoring o grey list noong 2021 sa panahon ng administrasyong Duterte, matapos tukuyin ng international anti-dirty money watchdog ang 18 pagkukulang na dapat na tugunan ng gobyerno para labanan ang money laundering at terrorism financing.
“These include deficiencies in regulatory supervision in gambling operations related to POGOs, weaknesses in the implementation of targeted financial sanctions despite obvious anomalies, and delays in implementing the Anti-Terrorism Act of 2020 despite huge intelligence confidential funds,” ang litaniya ng Presidential Communications Office (PCO). (Daris Jose)