PNP Chief Torre hinikayat na lumagda sa Waiver bago ang boxing match kay Mayor Baste
- Published on July 26, 2025
- by @peoplesbalita
PINAYUHAN ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III na lumagda muna sa isang waiver bago ituloy ang panukalang boxing match laban kay Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Ang waiver, ayon kay Duterte, ay upang maiiwas ang nakababatang kapatid sa anumang legal liability kung sakaling may anumang mangyari sa kanila habang nasa boxing arena.
“Kung seryoso siya, mag-sign muna ng waiver. Kay kung mapuruhan sya, mamatay, mapriso, akong igsoon. Mag-pirmahanay sa sila sa abugado. Mas maayo na. Puro man kaha sila isog,” nakasaad sa facebook page ng mambabatas na lumabas ngayong Hulyo 25.
Iginiit nito na ang public officials, lalo na yaong nasa mataas na posisyon ay dapat umakto ng may pananagutan kahit pa nasa loob ng boxing ring.
Bilang suporta na rin sa kapatid, pinaboran din ng mambabatas ang kondisyon ng kapatid na lahat ng government officials ay dapat na sumailalim sa hair follicle drug test bbago ang anumang boxing match na magaganap.
“Accountability starts with transparency. You can’t be throwing punches while hiding something,” pahayag nito.
Sinabi pa nito na kung gustong tumulong ni Torre ay mag-donate na lang ito at hindi na kailangang idaan pa sa suntukan.
“This isn’t showbiz. We need public servants focused on real solutions, not side shows.”
Pinaalalahanan pa nito ang magkabilang kampo na nakaharap sa seryosong isyu ang bansa, tulad ng malawakang pagbaha.
Umani ng iba’t ibang reaksyon ang panukalang charity boxing match sa pagitan ng PNP chief at Davao City mayor.
Nilinaw naman ni Congressman Duterte na suportado niya ang kapatid sa kondisyon na “Mag-sign muna ng waiver. Magpa-drug test na rin. Kung talagang malinis, eh ‘di go.” (Vina de Guzman)