• September 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PLM TUMANGGAP LAMANG NG 3,000 ESTUDYANTE MULA SA MAHIGIT 70,000 NA APLIKANTE

UMABOT lamang sa 3,000 estudyante ang tinanggap ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) mula sa mahigit 70,000 aplikante para sa academic year 2026-2027 dahil hindi na umano nito kayang tumanggap ng mas marami pang estudyante.

Sinabi ni PLM President Atty. Domingo Y. Reyes Jr. sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Setyembre 28 na umabot sa 70,000 ang mga nag-apply sa PLM para sa taong panuruan 2026-2027, habang 43,000 lamang ang nakakuha ng entrance examination.

“Kaya po ngayong taong 2026-2027, nagkaroon po tayo ng 70,000 applicants. 43,000 po ang nakakuha ng entrance exam, at 3,000 lang po ang natanggap natin dahil hindi na natin kayang i-absorb ang accommodation,” ani Reyes.

Samantala, sinabi ng PLM president na magsasara sa Setyembre 30 ang online application para sa susunod na school year. Sa kasalukuyan, nasa 65,000 na umano ang nakapagsumite ng kanilang aplikasyon.

“Pasensya na po, hindi natin mapagbibigyan lahat ng gustong mag-aral sa PLM,” pahayag ni Reyes.

Ayon sa PLM president, makatutulong ang itinatayong bagong Health Sciences Building upang madagdagan ang kapasidad ng unibersidad at mas marami pang estudyante ang matanggap.

“Sana po ay magkaroon pa tayo ng pagkakataon, lalo na po kung maitatayo na ang ating bagong Health Sciences Building na makakadagdag sa dami ng enrollment,” ani Reyes.

Sinabi naman ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na sa kabuuang 340 piles na kailangang itayo, 132 na ang nakumpleto para sa konstraksiyon ng College of Health Allied Sciences ng PLM .

Ayon sa alkalde, patuloy na naghahanap ang pamahalaang lungsod ng mga paraan upang madagdagan ang espasyo para sa mga estudyante gamit ang kasalukuyang lupain ng unibersidad.

“But what more can we do to give opportunities if we create space within the same space, just by innovation?” ani Domagoso.

Samantala, pinasalamatan ni Reyes ang pamahalaang lungsod sa patuloy nitong suportang pinansyal sa PLM. Aniya, umabot na sa ₱125 milyon ang kabuuang subsidy na natanggap ng unibersidad.

“Ang total subsidy na natanggap na po natin ay ₱125 million, pero sa kabila po niyan, patuloy tayong inaalalayan ni Mayor sa mga pangangailangan nating pinansyal at mga kagamitan na kailangan ng mga mag-aaral,” ani Reyes.

Tiniyak naman ni Domagoso na magpapatuloy ang pamahalaang lungsod sa pagpopondo sa libreng edukasyon sa PLM, sa kabila ng malaking gastusin ng pamahalaan para dito.

Aniya, ipinagpapatuloy ng kasalukuyang administrasyon ang pananaw ng mga dating alkalde ng Maynila na sina dating Mayor Arsenio “Nick” Lacson at dating Mayor Antonio Villegas na magkaroon ng libreng edukasyon para sa mga Manileño.

“Ang mahal magpaaral, cost per student. Just so you know, sa mga nag-aaral, it is very expensive for the government to have it free. But, like the vision of Lacson and Villegas, today as the torchbearer of that vision, we will continue to do so,” ani Domagoso.

Binigyang-diin din ng alkalde ang kanyang suporta sa pamunuan, faculty at mga estudyante ng PLM.

“We are very proud of you, sa pamunuan, sa bumubuo ng faculty, at sa students. Worth every penny. Sulit na sulit ang paggasta ng buwis ng mamamayan ng Lungsod ng Maynila,” pahayag niya. (Gene Adsuara)