• April 20, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pinuri-puri rin ng direktor bilang action star… KIKO, emosyonal nang mabanggit si PAQUITO na kanyang inspirasyon

NAGING emosyonal si Kiko Estrada sa naganap finale mediacon ng “Totoy Bato” na tumagal nang halos isang taon sa ere, nang mabanggit ang kanyang Lolo Paquito Diaz na naging inspirasyon nila sa naturang action series na kung saan proud na proud ang action star.
“Ito yun klase serye na puwedeng itapat sa quality na ginagawa dati ni Da King at ng lolo ko.
“Ang inspirasyon ko sa ’Toto Bato’ , it was my grandfather Paquito Diaz. Kasi kasama po siya sa original movie,” at saglit niyang tumigil at naging emosyonal.
Pagpapatuloy niya, “ayokong mapahiya ako kay Lolo Paquito.
“Yung huli niyang sinabi sa akin, ako raw ang papalit sa kanya. Pero hindi mo mapapalitan ang isang tulad niya.
“Sa mga ibang tao, kontrabida siya eh, di ba? Pero buhay ko, siya ang bida!”
Naantig din ang damdamin ni Kiko sa mga papuri ni Direk Albert Langitan bilang isang action star.
“Si Kiko bilang action star although sinasabi niyang hindi siya ganu’n kagaling sa action pero hindi ko alam kung part na niya nu’ng ipanganak siya action star na kasi tama ‘yung galaw niya, tama ‘yung movement niya, ‘yung physique niya naka-design para maging action star.
“Pero beyond sa paggawa ng action ang appreciation ko kay Kiko ay naging mas magaling siyang aktor. Nu’ng ginagawa namin ‘yung Lumuhod Ka sa Lupa (2024-2025) medyo nahihilawan pa ako kay Kiko no’n.
“Lagi naming pinag-uusapan ‘yung eksenang namatay ‘yung nanay niya, hirap na hirap siyang mag-react to the point na kailangan naming i-retake sa ibang shooting day kasi hindi siya tumatawid.
“Ayaw ko namang pabayaan kasi magmumukha siyang hamon (ham actor) pero ngayon dito sa Totoy Bato maybe because of the influence ng mga katrabaho niya halimbawa si Eula (Valdes), si tito Nonie Buencamino, Art Acuna ay gina-guide talaga siya.
“Isang pitik lang kahit hindi ko sabihin kaya na niyang umiyak ng tama, ‘yung iyak na hindi baduy para sa isang lalaki. Nasaktuhan na niya kung ano ‘yung tamang emosyon ‘yung dapat na ibibigay niya,” kwento pa ng direktor ng “Totoy Bato.”
Pahayag naman ni Kiko, “Naalala ko ‘yun direk, sabi ko, ‘sana magkatotoo, tapos ginawa na namin ‘yung ‘Lumuhod’, alam kong hindi niya ako pababayaan at kung ano po ‘yung nakita n’yo (sa pag-arte), produkto po ‘yun ng pag-aalaga ni Direk Albert at Direk Ambo (Gonzales), ang laking tulong ng dalawang direktor ko sa buhay ko.
“Hindi ko po magagawa kung anuman ‘yung nagawa ko kung hindi dahil sa kanilang dalawa lalung-lalo na ‘yung cast dito (bigay- pugay). I owe it to them, I owe it to Viva, TV5, and to direk Zyro (Radoc) kasama rin po siya sa team namin.
“Isang malaking karangalan na mabanggit ang pangalang Kiko Estrada kasama ang mga taong nandito ngayon de kalibre,” pahayag pa ng batang action star.
Samantala, handa na ang nagbabagang pasabog sa finale week ng tinutukang primetime action series na Totoy Bato matapos ang halos isang taong pamamayagpag nito sa TodoMax Primetime Singko ng TV5.

Sa huling linggo nito, matutunghayan ang pinakamainit na labanan hanggang sa pagtatapos ng serye sa Abril 24.

Abangan si Totoy Bato, pinagbibidahan ni Kiko Estrada sa seryeng nagbigay ng bagong mukha sa iconic na karakter na nilikha ni Carlo J. Caparas at unang binigyang buhay ni Fernando Poe. Jr.

Maaasahan ang mas matitinding rebelasyon sa mundo ng Pook Paraiso matapos ang pagkamatay ni Don Silvio Castillo (Mon Confiado). Dito na rin tuluyang aangat sa kapangyarihan si Dwayne Perez (Diego Loyzaga), na mas lalo pang magpapalawak ng kanyang kontrol sa pamilya Castillo. Habang tumitindi ang tensyon, iisa ang tanong ng manonood: sino ang mananaig sa huling salpukan nina Totoy at Dwayne?

Kasama nina Kiko at Diego sa powerhouse cast ng Totoy Bato sina Eula Valdes bilang Ruby Perez, Claudine Barretto bilang Diamond Labrador, Cindy Miranda bilang Amber Castillo, Mon Confiado bilang Don Silvio Castillo, Mark Anthony Fernandez bilang Stanley Rocco, Gold Aceron bilang Onyx, Billy Villeta bilang Dustin, Andrew Muhlach bilang Jett, Christine Bermas bilang Amethyst at Sapphire, at si Angelica Hart bilang Pierra.

“The success of Totoy Bato is a testament to the incredible passion of the production team and the stellar performances of the entire cast. We thank everyone who poured their hearts out to bring this story to life. It was their dedication that turned every episode into a memorable journey that we all shared with the audience,” pahayag ng Presidente ng TV5 na si Guido R. Zaballero.

Pagkatapos ng dalawang action series na “Lumuhod Ka sa Lupa” at “Totoy Bato” ay wini-wish naman ni Kiko na magawa ang “Joaquin Bordado” (na nilikha ni Carlo Caparas). Pinagbidahan ito ni Sen. Robin Padilla noong 2008 sa GMA 7.

“Gusto kong gawin kasi idol ko si Robin at nu’ng bata ako pinapanood ko ang mga pelikula niya or ‘Maging Sino Ka Man’ dahil gusto kong maging action and romcom. “Pero mas gusto ko ‘yung Joaquin Bordado,” rebelasyon pa ni Kiko.

Huwag palampasin ang mas pinatinding pakikipag-matigasan ng lakas para sa katarungan ni Totoy Bato sa natitirang huling linggo nito. Mapapanood gabi-gabi, 8:00 PM, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng Frontline Pilipinas sa TodoMax Primetime Singko ng TV5, with simulcast sa ONE PH.

Napapanood na rin ang serye sa Cignal Play app na libreng mado-download sa Play Store at App Store.

(ROHN ROMULO)