• April 28, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pinas, nakikipag-ugnayan na sa Portugal authorities para iuwi si Zaldy Co- PBBM

NAKIKIPAG-UGNAYAN na ang gobyerno ng Pilipinas sa Portuguese authorities para mapadali ang posibleng pagpapabalik sa bansa ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa pagsasalita sa harap ng mga mamamahayag sa The Pierre A Taj Jotel sa New York, United States bago bumalik ng Maynila, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang pagpapabalik sa bansa ni Co ay nangangailangan ng kooperasyon sa bansa kung saan siya sinasabing natagpuan.
Sinabi ng Pangulo na hindi maaaring direktang ipatupad ng mga awtoridad ng Pilipinas ang pag-aresto kay Co sa labas ng kanilang hurisdiksyon.
“You cannot bring him home because that is not the way it works. We have to ask the assistance of the country where he is in, which is presently Portugal. So, that’s what we have done,” ayon sa Pangulo.
Hindi rin aniya maaaring magpadala lamang ng tauhan ang Philippine law enforcement sa ibang bansa para hulihin si Co.
Winika pa ng Pangulo na naghain na ng request ang gobyerno ng Pilipinas para sa isang Red Notice mula sa International Criminal Police Organization (Interpol) para matunton at malaman ang galaw ni Co.
Ang red notice ay isang kahilingan para sa mga awtoridad na nagpapatupad ng batas na “hanapin at pansamantalang arestuhin” ang isang taong hinahanap ng alinman sa isang bansa o isang international tribunal. Ang mga kahilingang ito ay ibinibigay para sa mga pugante na hinahanap para sa pag-uusig o upang magsilbi ng sentensiya para sa isang krimen kasunod ng desisyon ng korte.
“That’s the process. You do not send your own police to go and pick him up kasi wala namang jurisdiction ang pulis doon sa ibang bansa,” ang sinabi ng Pangulo nang hingan ng update ukol kay Co.
“So, they cannot arrest anyone. So, it will have to be the assistance of the hosting country,” aniya pa rin.
Si Co ay isa sa mga pangunahing akusado sa flood control scam ay pinaniniwalaang nagtatago sa Portugal. (Daris Jose)