• July 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pinalawak na Balik Ginhawa 2 Program ng GSIS, mas maraming miyembro ang makatatanggap ng refund

MAS marami ng miyembro at pensioner ng Government Service Insurance System (GSIS) ang maaaring makinabang sa pinalawak na Balik Ginhawa 2 Program, na nagbibigay ng refund na katumbas ng hanggang anim na buwang kwalipikadong loan amortizations.

Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbigay ng mas malaking tulong pinansyal sa mga miyembro ng GSIS.

“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., mas pinalawak, mas pinadali, at mas pinalaki ang Balik Ginhawa 2 ng GSIS para mas marami pang miyembro at pensioners ang makikinabang,” ani Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.

Ipinaliwanag din ni Castro ,“Sa ilalim ng programa — refund na katumbas ng hanggang six months’ qualified loan amortizations, saklaw ang payments mula December 2025 hanggang May 2026.”

Ayon sa GSIS, layunin ng pinalawak na programa na magbigay ng karagdagang tulong-pinansyal sa mga miyembro at hikayatin silang panatilihing maayos ang kanilang loan accounts.

“Maaari na ring mag-avail kahit may arrears, basta’t hindi pa due and demandable ang inyong mga loan. Patunay lamang ang programang ito ng mas malaking ginhawa ang naghihintay sa bawat member ng GSIS sa Balik Ginhawa 2,” ang winika ni Castro.

Hinikayat naman ng GSIS ang mga kwalipikadong miyembro at pensioner na alamin ang kanilang eligibility at mag-apply sa pamamagitan ng opisyal na website ng GSIS o ng GSIS Touch mobile application.

“Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin lang ang website ng GSIS at mag-apply na gamit ang GSIS Touch app,” dagdag na pahayag ni Castro.  

(DARIS JOSE)