• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PH, Cambodia lalagdaan ang mga kasunduan sa panahon ng state visit ni PBBM — DFA

INAASAHAN na lalagdaan ang ilang kasunduan sa state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Cambodia sa susunod na linggo.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesperson Angelica Escalona, ang mga kasunduan na ito ay may kinalaman sa paglaban sa transnational crimes at ‘higher education.’
Ang Pangulo ay may nakatakdang state visit sa Cambodia mula Setyembre 7 hanggang 9, kasama si Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos sa imbitasyon na rin ng Kanyang Kamahalan Preah Bat Samdech Preah Boromneath Norodom Sihamoni, King of Cambodia.
Sa kanilang pagdating, sasalubungin ang First Couple ni Acting Head of State at Senate President Samdech Akka Moha Sena Padei Techo Hun Sen at kanyang asawa na si Samdech Kittiprittbindit Bun Rany Hun Sen, sa ngalan ng Kanyang Kamahalan.
Inaasahan din na magkakaroon ng bilateral meeting si Pangulong Marcos kasama si Samdech Moha Borvor Thipadei Hun Manet, Prime Minister of Cambodia, para pag-usapan ang pagpapalawak ng kooperasyon sa pakikipaglaban sa transnational crimes at pagpapahusay ng koneksyon.
Pag-uusapan din ng mga ito ang mga bagay na may kinalaman sa agrikultura, mas mataas na edukasyon, turismo at cultural cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.
Inaasahan din na magsasalita si Pangulong Marcos sa roundtable meeting kasama ang mga napakahalagang business leaders mula sa dalawang bansa upang siyasatin ang mga pamamaraan para i-diversify ang pinagmumulan ng mga kalakal at palawigin ang market access sa pagitan ng dalawang bansa.
Idagdag pa rito, inaasahan pa rin na makakaharap at makapupulong ni Pangulong Marcos ang Filipino community sa Cambodia, na karamihan ay nagtatrabaho sa ‘education at services sectors.’
Sa kasalukuyan, mahigit sa 7,000 Filipino ang nakabase sa Cambodia. (Daris Jose)