• August 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PGEN NARTATEZ, PINALAKAS ANG KAMPANYA KONTRA LOOSE FIREARMS; 2 M4A1 CARBINES NAKUMPISKA

NAARESTO ang isang lalaki na umano’y sangkot sa gunrunning habang dalawang M4A1 carbine ang nakumpiska sa operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at iba pang PNP units sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur noong August 10, 2026.

Ayon kay CIDG Director PMGEN ROBERT AA MORICO II, naaktuhan umano ang suspek habang nagbebenta at nagde-deliver ng dalawang M4A1 carbine. Wala umano itong naipakitang kinakailangang permit at lisensiya para sa pagmamay-ari, pagdadala at pagbebenta ng mga armas. Ayon din sa CIDG, hindi rehistrado ang mga nakumpiskang baril.

Ang operasyon ay bahagi ng OPLAN Paglalansag Omega ng CIDG at isinagawa kaugnay ng Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at pagpapatupad ng election gun ban sa BARMM.

Pinuri ni PMGEN Morico ang CIDG Regional Field Unit 15 sa pangunguna ni PLTCOL Eugene A. Balugo, CIDG Cotabato City Field Unit sa pamumuno ni PCPT Lyndon G. Mondragon, CIDG Maguindanao Provincial Field Unit sa ilalim ni PCPT Earl F. Baranda, at iba pang katuwang na PNP units.

Ang operasyon ay alinsunod sa Focused Agenda ni Chief PNP PGEN JOSE MELENCIO C. NARTATEZ JR. na paigtingin ang kampanya laban sa loose firearms at iba pang armas na ilegal na umiikot sa mga komunidad.

Tiniyak ng CIDG na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga hindi lisensiyadong armas at mga indibidwal na sangkot umano sa ilegal na bentahan ng baril upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad. 

(PAUL JOHN REYES)