• November 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PCUP, ISINUSULONG ANG MALINAW AT MAKATAONG PAMANTAYAN SA PABAHAY AT RELOKASYON 

BINIGYANG-PANSIN ng PCUP sa mga pagpupulong ng Local Housing Board (LHB), LCASSPS, at LIAC ang mga usaping hindi sapat na may nakahandang housing units; mahalaga ring matiyak na ang mga pamilyang lilipat ay kwalipikado at may access sa mga pangunahing serbisyong kailangan nila.

Nagbigay ng teknikal at patakarang gabay ang Komisyon tungkol sa paggamit ng Code of Policies sa patas at malinaw na pagpili ng mga benepisyaryo, gayundin ang Relocation and Resettlement Action Plan (RRAP) bilang gabay sa maayos at makataong paglilipat ng mga apektadong pamilya. Binigyang-diin din ni Laguna Area Coordinator Pamela Bianca Agres ang kahalagahan ng mga ito bago pagtibayin ng LHB ang mga kaukulang resolusyon.

Isa pang mahalagang usaping inilapit ng PCUP ang kakulangan sa suplay ng kuryente sa mga relocation site. Dahil dito, hindi pa magamit ng mga benepisyaryo ang ilang natapos nang housing units, na habang natetengga ay nanganganib ding masira at masayang ang pondong inilaan ng pamahalaan.

Sa ilalim ng pamumuno ni PCUP Chairperson at CEO Usec. Michelle Anne “Che-Che” B. Gonzales, patuloy na pinagtitibay ng Komisyon ang koordinasyon sa mga LGU at katuwang na ahensya upang maisulong ang pabahay at relokasyong hindi lamang nagbibigay ng tirahan, kundi nagtitiyak din ng ligtas, maayos, at marangal na pamumuhay para sa mga maralitang tagalungsod.

 (PAUL JOHN REYES)