PCG PANSAMANTALANG SINUSPINDE ANG BIYAHE NG MALILIIT NA SASAKYAN
- Published on July 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
PANSAMANTALANG sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga biyahe ng maliliit na sasakyang pandagat sa ilang lugar sa Hilagang Cebu dahil sa masamang panahon at maalon na karagatan.
Ayon sa Coast Guard Station (CGS) Northern Cebu, ipinatupad ang suspensyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda at iba pang gumagamit ng karagatan.
Batay sa inilabas na abiso:
Coast Guard Sub-Station (CGSS) Daanbantayan – Sinuspinde ang paglalayag ng mga sasakyang pandagat na 35 gross tons (GT) pababa, kabilang ang mga motorbanca at iba pang maliliit na pampasaherong bangka. Pinapayagan namang bumiyahe ang mga sasakyang higit sa 35 GT, depende sa pahintulot ng Coast Guard at sa umiiral na kondisyon ng panahon.
CGSS Malapascua – Sinuspinde rin ang paglalayag ng mga sasakyang 35 GT pababa, kabilang ang mga bumibiyahe patungong Carnaza Island at Gato Island.
CGSS Bantayan – Ipinatigil ang biyahe ng mga sasakyang pandagat na mas mababa sa 15 GT, kabilang ang maliliit na bangkang pangisda at iba pang magagaang sasakyang pantubig.
CGSS Madridejos – Sinuspinde ang paglalayag ng mga sasakyang mas mababa sa 35 GT. Pinapayuhan naman ang mga operator ng mga sasakyang 35 GT pataas na mag-ingat at sumunod sa mga tagubilin sa kaligtasan ng Coast Guard.
CGSS Santa Fe – Sinuspinde rin ang biyahe ng mga sasakyang mas mababa sa 35 GT, habang ang mas malalaking sasakyang pandagat ay pinapayuhang patuloy na subaybayan ang lagay ng panahon at sundin ang mga abiso ng Coast Guard.
Mahigpit na pinapayuhan ng PCG ang mga mangingisda, operator ng sasakyang pandagat, at iba pang gumagamit ng karagatan na ipagpaliban muna ang kanilang paglalayag sa mga apektadong lugar hanggang sa bumuti ang lagay ng panahon at karagatan.
Hinihikayat din ang publiko na patuloy na subaybayan ang mga pinakahuling weather bulletin ng PAGASA at sundin ang lahat ng mga abiso sa kaligtasan na inilalabas ng Philippine Coast Guard. (Gene Adsuara)