• May 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, TINIYAK ANG SUPORTA SA SPORTS SA PAGBUBUKAS NG 2026 PALARONG PAMBANSA SA AGUSAN DEL SUR

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong suporta ng pamahalaan para sa sports sa Pilipinas sa pagbubukas ng 2026 Palarong Pambansa sa Agusan del Sur, sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga school sports club at pagpapalawak ng mga oportunidad sa organisadong palakasan.

Kinatawan ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr. ang Pangulo sa seremonya.

Binigyang-diin din ng Pangulo hindi lamang pisikal na lakas ang nahuhubog sa sports kundi pati na rin ang disiplina, teamwork, respeto, tiyaga, at kumpiyansa sa sarili ng kabataan.

“Hindi lang para sa paligsahan, kundi upang ipagdiwang ang galing, talento, at sipag ng mga kabataang Pilipino. Kayo ang mga pinakamagagaling na student-athletes sa inyong mga paaralan,” ayon sa Pangulo.

Bitbit ang temang “Unlocking the Future Through Sports,” dinaluhan ang Palaro ngayong taon ng mga delegado mula sa 18 rehiyon, kabilang ang mga kinatawan mula sa National Academy of Sports at Philippine Sports Overseas.

Umabot sa 10,718 ang kabuuang bilang ng mga student-athletes na lumahok ngayong taon sa stadium ng Lipus Makapandong Democrito O. Plaza Sports Complex sa bayan ng Prosperidad.

Tatagal ng walong araw ang multi-sports event mula Mayo 24 hanggang Mayo 31.

Ayon sa Pangulo, pinaigting ng administrasyon ang mga programang pang-sports sa pamamagitan ng pagpapalakas ng School Sports Clubs sa buong bansa at pagpapalawak ng mga oportunidad para sa organisadong sports participation sa mga paaralan.

Dagdag pa ng Pangulo, namahagi ang Department of Education ng sports equipment at supplies sa mahigit 6,000 paaralan mula 2022 hanggang 2025 upang mapabuti ang training ng mga batang atleta.

Binigyang-pansin din ng Pangulong Marcos ang “Grassroots to Gold” Program ng DepEd at Philippine Sports Commission na layong gabayan ang mga atletang may potensyal mula sa school-based competitions hanggang sa mas mataas na antas ng international sports.

Binanggit din niya ang kamakailang tagumpay ng mga atletang estudyanteng Pilipino sa mga international tournament, kabilang ang ASEAN School Games sa Brunei kung saan nakakuha ang bansa ng 43 medalya.

Pinuri rin ng Pangulo ang mga kabataang atletang Pilipino sa kanilang pagkapanalo ng medalya sa taekwondo, husay sa World Youth Table Tennis Competitions, at pagdomina sa mga regional swimming tournament sa Asya.

Ayon sa Pangulo, pinatutunayan ng mga tagumpay na ito na kayang makipagsabayan ng mga atletang Pilipino sa mga pinakamahuhusay sa mundo kapag nabibigyan ng sapat na suporta at oportunidad

Tinapos ni Pangulong Marcos ang kanyang mensahe sa paghihikayat sa lahat ng kalahok na maglaro nang may dangal, kababaang-loob, at sportsmanship.

Ipinaalala ng Pangulo na ang bawat kompetisyon ay pagkakataon upang matuto, umunlad, at magbigay ng inspirasyon sa bayan.

“Sa ating mga kabataang atleta, ito ang hiling ko sa inyo: Mag-enjoy kayo sa paligsahang ito. Ibigay ninyo ang buong puso sa paglalaro. Lumaban nang may dangal at igalang ang kapwa ninyong atleta,” ani ng Pangulo. (Daris Jose)