• April 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, tinanggap ang alok ni SMC boss Ramon Ang na tugunan ang problema sa pagbaha sa MM

PINASALAMATAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  ang San Miguel Corp. chairman and chief executive officer Ramon Ang sa alok na tulong para resolbahin ang matagal nang problema sa baha sa Metro Manila nang walang gastos mula sa gobyerno.

“Thank you,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa press conference sa Kalayaan Hall, sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Lunes nang hingan ng reaksyon ukol sa alok ni Ang.

“This is the reason why the private sector needs to be part of our national development,” he also said.

Sa ulat, ipinahayag ni Ang ang kanyang boluntaryong serbisyo sa harap ng ilang opisyal ng pamahalaan  gaya ni  Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso kasama ang plano na magsagawa ng malawakang flood mitigation projects gaya ng pagtatayo ng drainage systems, clearing operations, at maging programang pabahay at pagpapatayo ng mga paaralan.

Kasunod ito ng mga batikos na ibinato laban sa SMC, na may kinalaman umano sa pagbaha sa ilang lugar ang mga proyekto ng kumpanya.

Noong Hulyo, tinukoy ng Department of Transportation (DOTr) ang mga contractor ng MRT Line 7 project at ang pamunuan ng Skyway bilang posibleng dahilan ng pagbaha sa ilang kalsada sa Metro Manila.

Nilinaw naman ng kumpanya na ang mga pasilidad malapit sa Batasan Station sa Commonwealth Avenue ay hindi sagabal sa daloy ng tubig at itinayo alinsunod sa drainage layout at aprubadong engineering plans.

Maging ang isyu sa umano’y manhole na nasa drainage line ay naimbestigahan at napatunayang hindi humaharang sa daloy ng tubig. (Daris Jose)