PBBM, sa batas na papayagan siyang magsuspinde ng fuel excise tax: I’ll declare it as urgent
- Published on March 12, 2026
- by @peoplesbalita
IDEDEKLARA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent ang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng emergency power para pansamantalang suspendihin o bawasan ang oil excise tax.
”Actually, I will declare it as urgent once the…Because there’s no point declaring it as urgent before the committee report has been completed,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag sa New York City.
”And that is what I told them, both Houses. And I said, the minute that you have completed your committee reports…Because the – when you declare a bill as urgent, it the – the shortcuts, if we say, only begin on the plenary debates,” dagdag na pahayag ng Pangulo.
Sa kabilang dako, inaprubahan na ng House ways and means committee, araw ng Martes, Marso 10, ang isang walang bilang na substitute bill na pinapayagan si Pangulong Marcos na suspindihin o bawasan ang excise tax sa gasolina sa gitna ng alitan ng mga puwersa ng US-Israel at Iran.
Espesipikong pinahihintulutan ng panukalang batas ang Pangulo na bawasan ang excise tax sa mga produktong gasolina sa loob ng anim na buwan sa maximum nito, sa kondisyon na lalampas ang average na presyo ng krudo sa Dubai sa US$80 kada bariles sa loob ng isang buwan bago ang suspensiyon o pagbawas ng excise tax.
Gayundin, isinasaad sa panukalang batas na may karagdagang awtoridad ang Pangulo hanggang Disyembre 31, 2028 lamang.
Sa ulat, lumampas na sa US$100 noong Marso 9 ang presyo ng krudong langis sa Dubai.
Magsasagawa ng pagdinig ang Senate committees on ways and means and energy sa Miyerkoles, Marso 10, sa hindi bababa sa limang panukalang batas na naglalayong payagan ang Pangulo na suspindihin ang excise tax sa langis.
Nauna nang inihayag ni Energy Secretary Sharon Garin ang kaniyang suporta sa panukala, na sinabing maaaring magpababa ng presyo ng diesel ng hanggang P6 kada litro ang dalawang buwang suspensiyon.
Nito ring Martes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hihintayin ng Pangulo ang ulat ng komite sa iminungkahing panukala bago ito isertipika bilang urgent. (Daris Jose)