PBBM, nagbigay ng 50% fare discounts sa mga seniors, PWDs sa MRT, LRT
- Published on July 17, 2025
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang opisyal na paglulunsad ng 50% diskwento sa pasahe para sa mga senior citizen at Persons with Disability (PWDs) sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Isinagawa ang paglulunsad sa MRT-3 Santolan-Annapolis southbound station.
Kasunod ito ng paglulunsad ng 50% train fare discount para naman sa mga estudyante noong nakaraang buwan, naglalayon na tuparin ang direktiba ni Pangulong Marcos na pagaanin ang financial burden ng mga mananakay.
Sa kabilang dako, ang proyektong ito ay magtataas sa fare discount ng 30% mula sa statutory discount na 20%.
Matatandaang sinabi ng Pangulo na nakapagsilbi na ang mga senior citizen sa bansa at nagtrabaho sila ng buong buhay nila kaya dapat lamang na bigyan sila ng gobyerno ng kaunting benepisyo gaya ng matamasa ng mga senior citizen ang malaking diskwento sa pasahe.
Karamihan din aniya sa mga senior citizen ay kakaunti na lamang ang hawak na pera kaya pag-aaralan ng pamahalaan ang malaking diskuwento para sa kanila. ( Daris Jose)