• June 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM: Mahihirap, matatalinong estudyante patatapusin ng pag-aaral

TUTULUNGAN ng pamahalaan ang mga mahihirap subalit matatalinong estudyante na makapagtapos sa kanilang pag-aaral.

Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang personal na mamahagi ng tulong at serbisyo sa Obando, Bulacan.

Ayon sa Pangulo, paiigtingin pa ng pamahalaan ang oportunidad para sa mga kabataan upang makapagtapos ng pag-aaral sa tulong ng scholarship program ng pamahalaan.

Aminado si Marcos na hindi masyadong nabigyan ng ­atensiyon ang sektor ng ­edukasyon sa mga nakalipas na taon kaya ngayon ay magiging puspusan ang gagawing pagtutok sa pag-aaral ng mga kabataan.

Nilinaw naman niya na sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) ay mabibigyan ng suportang pinansiyal para sa pag-aaral ang mga mahirap subalit matatalinong estudyante. Limang estudyante bawat barangay ay magiging presidential scholar at tatanggap ng tig-P20,000 para sa kanilang pag-aaral.

Pinagbilinan ni Marcos ang mga presidential scholar na mag-aral mabuti para magkaroon ng magandang kinabukasan at maging susunod na mga lider ng bansa.