• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

 PBBM, itinuring na highly ‘productive at constructive’ ang state visit sa Japan

HIGIT pa sa mga pulong at seremonyang diplomatiko, ipinakita ng State Visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lalim ng pagkakaibigan at matibay na samahan ng Pilipinas at Japan na nabuo sa paglipas ng maraming taon.

Kasabay ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa ngayong taon, naging mainit ang pagtanggap kina Pangulong Marcos at First Lady Louise Araneta-Marcos ng Imperial Family.

Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, mahalaga ang pagbisitang ito dahil ipinakita nito ang matatag at malapit na relasyon ng dalawang bansa.

“Kaya napakahalaga nitong pagbisita natin… Talagang napaka-overwhelming nung reception nila kagabi (Wednesday) sa ating Pangulo at ating Unang Ginang. They were received by their Imperial Highness, the Emperor and the Empress,” ani Gomez.

Sinabi rin ni Gomez na pangalawang State Visit at State Banquet pa lamang ito na inihost ng Emperor ng Japan mula nang matapos ang pandemya.

“At nakakatuwang panoorin ang Pangulo at ang Emperor kagabi (Miyerkules)) dahil makikita mo kung gaano na kalalim yung bond, ‘yung relationship nilang dalawa na developed through the years, through mutual shared experiences,” dagdag niya.

Bukod sa mga seremonyal na aktibidad, naging abala rin ang Pangulo sa mga high-level meeting tungkol sa kalakalan, imprastraktura, depensa, maritime security, enerhiya, at regional stability.

Ayon kay Gomez, hindi lamang seremonyal ang mga foreign trip ng Pangulo dahil nagdadala rin ito ng benepisyo sa bansa sa pamamagitan ng dagdag na investments, development cooperation, at mas matibay na strategic partnership sa Japan.

“So yung mga ganitong foreign trips, hindi lang ito puro ceremonial. Marami talagang naibabalik na benepisyo para sa ating bansa. Ngayong araw na ito (Miyerkules), punong-puno ang schedule ng ating Pangulo,” ani Gomez. ( DARIS JOSE)