PBBM, inutos ang koordinasyon ng mga ahensya para sa epekto ng gulo sa Gitnang Silangan
- Published on March 3, 2026
- by @peoplesbalita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno na tiyaking maayos at agarang natutugunan ang kapakanan at proteksyon ng mga overseas Filipino sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na ipinag-utos ng Pangulo ang interagency mobilization upang matiyak ang sapat na tulong at suporta sa mga Pilipino sa naturang rehiyon.
Ayon kay Cacdac, pinamumunuan ni DOH Secretary Ted Herbosa ang pagpupulong para pag-isahin ang mga medikal na tugon, kabilang ang online consultations at psychosocial support ng Department of Health.
“From the DICT, si Sec. Henry Aguda may direktiba mula sa kanya at sa DICT that all telcos will do everything to make sure connectivity with OFWs in the Middle East is maintained and instructed the regional offices to provide free connections to anyone who would like to reach out to their family members and loved ones in affected areas,” dagdag pa ni Cacdac.
Samantala, handa ang Department of Social Welfare and Development sa pamumuno ni Secretary Rex Gatchalian na tumulong sa mga Pilipinong uuwi sa bansa. Nakipagpulong din si Cacdac kay Trade Secretary Cristina Roque para sa mga programang pangkabuhayan at reintegration ng mga babalik na OFW.
Ayon pa sa DMW, may mga opsyon sa trabaho para sa mga maaapektuhan, kabilang ang redeployment sa ibang bansa at aplikasyon sa mga job orders na hawak ng ahensya.
Para sa lokal na trabaho, nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa Department of Labor and Employment at sa sektor ng turismo sa pamumuno ni Secretary Christina Frasco.
Para naman sa pagsasanay, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority sa pamumuno ni Director Francisco Benitez sa pagbibigay ng reskilling at training vouchers sa mga OFW.
“May mga training vouchers na ibinilin sa amin si Sec. Kiko na puwede naming ibigay sa kanila. Puwede nilang piliin ‘yung kurso at saka ‘yung training institution parang blank ‘yung vouchers na ‘yun na ifi-fill up lang nila,” ayon kay Cacdac..
Suportado rin ng pribadong sektor ang mga programa sa kabuhayan at marketing ng produkto.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagpatawag ng emergency meeting si Energy Secretary Sharon Garin kasama ang mga oil companies upang suriin ang posibleng epekto ng sitwasyon sa Middle East sa presyo ng langis sa bansa.
(Daris Jose)