• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, inanunsyo ang P120B elevated road project mula Balintawak hanggang Bocaue

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ang panukalang P120-billion elevated road project na nag-uugnay sa Balintawak sa Quezon City hanggang Bocaue, Bulacan, habang hinahangad ng gobyerno na paghusayin ang daloy ng trapiko, bawasan ang travel time at transport costs, makalikha ng hanapbuhay at pasiglahin ang economic development sa pamamagitan ng pinalawig na infrastructure investments.

“Sa atin ngayon lang, medyo surprise, pero magandang balita. Ang MVP Group ay maglalagay sila ng investment na may halaga na 120 billion pesos. Maglalagay sila ng elevated na daan mula Balintawak hanggang Bocaue. Hanggang Bocaue ang aabutin,” ang sinabi ng Pangulo sa isinagawang pagbubukas ng NLEX-C5 Northlink Segment 8.2 Section 1A sa Valenzuela City.

“At napakalaking bagay nito dahil ito ay dadaan nila doon sa NLEX-Meycauayan na ngayon maglalagay sila ng elevated. Ito yung pagsasama ng dalawang grupo, ng MVP at SMC Group na pinagsasama,” aniya pa rin.

Sinabi ng Pangulo na ang MVP Group ang mangangasiwa ng proyekto sa pakikipag-ugnayan sa SMC Group, kasunod ng kanyang panawagan para sa dalawang business groups na magtulungan na palawakin ang road network ng bansa, magbigay sa mga mananakay ng alternatibong ruta at paghusayin ang travel conditions.

Winika pa ng Pangulo na hiniling niya sa MVP Group at SMC Group na magtulungan na palawakin ang available routes para sa mga motorista at paghusayin ang travel conditions sa oras na makumpleto na ang proyekto.

“Pinakiusapan ko sila na magtulungan sila para madagdagan naman natin yung dinaadaanan. At iba ang magiging karanasan, ang experience, na na-experience para sa mga commuters na yan. Napakalaking investment na gagawin ng MVP Group. At siyempre, kasama nila ang SMC Group dahil kailangan nilang mag-coordinate,” anito.

Sa kabilang dako, winelcome naman ngn Pangulo ang investment bilang panibagong development sa nagpapatuloy na pagsisikap ng administrasyon para paghusayin ang transportation system at bawasan ang oras na inilalaan ng mga manggagawa sa lansangan.

Inilarawan naman ng Pangulo ang P120-billion investment bilang “good news” para sa mga mananakay, binigyang diin na ang elevated road ay makapagbibigay ng isang alternatibong ruta maliban sa umiiral na highway.

“Very good news ito para sa ating continuing construction para mapaganda ang daloy ng traffic sa atin, pagpapabilis at pagbaba ng transport cost, at magiging mas maginhawa ang paglalakbay ng ating mga workers,” ayon kay Pangulong Marcos. 

(DARIS JOSE)