PBBM, gustong mas ilapit ang ‘healthcare’ sa mga pinoy sa pamamagitan ng YAKAP initiative
- Published on July 26, 2025
- by @peoplesbalita
BINIGYANG diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan na dalhin at mas ilapit ang healthcare services sa mga Filipino na hindi na kailangan pa ang magkaroon ng access sa kanilang medical needs sa malalaking ospital.
Ipinahayag ito ng Pangulo sa isinagawang paglulunsad ng Philippine Health Insurance Corporation’s (PhilHealth) revitalized primary care benefit package na tinawag na Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP.
Sa kabilang dako, labis namang ikinalungkot ng Pangulo ang mataas na mortality rate sa provincial hospitals habang ang mga pasyente ay dinadala lamang doon kapag ang kanilang kondisyon ay malala na.
“Bakit masyadong mataas ang mortality rate, kung tawagin, sa malalaking ospital, sa regional hospital, sa mga provincial hospital, eh pagka ‘yung pasyente ba’t ang daming namamatay? Nagtatanong kami. Ang sagot sa amin simple lang—dahil napakalayo ng ating malalaking ospital doon sa kanilang pinanggagalingan at kaya napakahirap makapunta,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
“Kaya ito ‘yung aming ginawa. Binaba natin ang serbisyo ng healthcare natin para mas malapit doon sa pinanggagalingan ng ating mga magiging pasyente at hindi na kailangan magpa-confine sa malalaking ospital,” aniya pa rin.
Ang YAKAP ay ang pinalawig na Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta), nagdadala ng karagdagang ‘primary at outpatient care initiatives’ ng PhilHealth, kabilang na ang medisina check-ups, at basic laboratory tests.
Magiging available rin ang cancer screening tests para sa mga miyembro kung saan ‘libre’ ito sa ilang piling ospital sa pamamagitan ng valid prescriptions mula sa kanilang accredited primary care providers.
Nag-aalok din ang programa ng access sa karagdagang medisina sa ilalim ng pinalakas na PhilHealth Guaranteed Accessible Medications for Outpatient Treatment (Gamot) program.
Ayon sa Pangulo, ang mga kaganapang ito ay resulta ng leksyon na natutunan mula sa COVID-19 pandemic.
“Nakita natin noong panahon ng COVID, nakita natin kung ano ‘yung pagkukulang ng ating healthcare system, kung ano ‘yung mga kailangan patibayin, ano ‘yung magandang nangyari. Kaya ito ‘yung aming ginawa. At para pinababa, pinalalapit natin ang healthcare system natin sa taong-bayan para naman, unang-una, sila ay magpapatingin kaagad kapag sila ay may nararamdaman,” ang winika ng Pangulo.
“Bukod pa doon, makakatulong pa tayo kung sakali man kailangan silang magpagamot ay tutulungan natin sila, tinutulungan natin sila para pagpamura ng gamot para bayaran na ng insurance, ng PhilHealth ‘yung mga gamot, at saka ‘yung mga ibang tests, at ‘yung mga ibang serbisyo,” aniya pa rin.
Para naman maka- avail ng benepisyo ng YAKAP, mangyaring i-download lamang ang eGov mobile app para magrehistro sa PhilHealth YAKAP, o magrehistro sa pamamagitan ng ibang channels gaya ng PhilHealth member portal (www.philhealth.gov.ph), PhilHealth local health insurance office, o kahit na anumang PhilHealth-accredited primary care provider. (Daris Jose)