PBBM, disappointed sa ‘pagtakas’ ni Senador Bato – Malakanyang
- Published on May 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
SINABI ng Malakanyang na makikita sa mukha ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dismayado ito sa kamakailan na kaganapan sa Senado kabilang na ang naging pagtakas ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa ilalim ng kustodiya ng Senado.
Winika ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na kitang-kita ang pagkadismaya ng Pangulo nang magpatawag ito ng pagpupulong kasama ang mga miyembro ng kanyang gabinete matapos ang shooting incident sa Senado.
“Sa huling pangyayari patungkol doon sa diumano’y pagtakas at pagkawala kahit na may protective custody ang Senado, nakakadismaya naman talaga,” ang sinabi ni Castro.
“Noong nagkaroon po ng meeting, inalam niya kung anong pangyayari at makikita mo sa itsura ng Pangulo at kung papaano siya magtanong sa mga Cabinet secretaries, nandoon po ‘yung disappointment—-hindi sa Cabinet secretaries kung hindi sa pangyayari sa Senado,” aniya pa rin.
At nang tanungin ukol sa pananaw sa mga personalidad na tumulong para makaalis ng Senado si Senador Bato gaya di umano ni Senador Robin Padilla, sinabi ni Castro na na magkakaroon ng imbestigasyon sa bagay na ito.
Gayunpaman, kinuwestiyon ni Castro kung bakit tila pinoprotektahan ni Senador Padilla si Senador Bato sa kabila ng nagpalabas na ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban kay Senador Bato dahil sa naging papel nito sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
“Nakita po rin natin ang mga namutawi sa bibig ni Senator Robin Padilla at the time na siya pa ay isang ordinaryong citizen na kapag sinabi niya, na kapag may nagsisilbing warrant of arrest ay dapat na sumuko,” ang tinuran ni Castro.
“Pero bakit hindi natin nadidinig mismo kay Senator Robin Padilla ang ganoong mga salita patungkol sa kaniyang kaalyado na si Senator Bato dela Rosa? Mayroon bang ibang pagtingin, mayroon bang tinititigan at mayroong tinitingnan lamang?” ang tanong ni Castro.
Samantala, nanawagan naman si Castro sa publiko na maging mapanuri sa galaw at kilos ng mga public servants.
“Kung sino ang dapat na managot dito, kung mayroong mga pagkukulang at may lumabag sa batas, mayroong nagtatakas or nagpapatakas ay dapat lang din po tayong mga Pilipino ay maging mapanuri sa mga nagiging aksiyon ng ating mga public servants,” pahayag ni Castro. (Daris Jose)