Para makatipid sa krudo… CALOOCAN LGU, NAMAHAGI NG 100 BISIKLETA SA MGA ENFORCER, PULIS
- Published on March 13, 2026
- by @peoplesbalita
NAMAHAGI ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng 100 bisikleta sa mga tauhan ng Public Safety and Traffic Management Department (PSTMD) at Caloocan City Police Station (CCPS) bilang alternatibong paraan ng transportasyon alinsunod sa mga panawagan para sa mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa pamahalaan.
Sa ilalim ng Executive Order 007-26, na pinagtibay mula sa Presidential Memorandum Circular No. 114 na inilabas ng Malacañang, ang hakbang ng pamahalaang lungsod ay naglalayon na asahan ang posibleng pagtaas ng presyo ng petrolyo at kakulangan na dulot ng kasalukuyang kalagayan ng pandaigdigang gawain sa pamamagitan ng pagbawas sa konsumo sa mahigit labinlimang porsyento ng kasalukuyang paggamit.
Hinikayat ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang iba pang tauhan ng pamahalaang lungsod na mahigpit na sumunod sa komprehensibong mga hakbang sa pagtitipid ng enerhiya na nakasaad sa Executive Order at subukan din ang mga alternatibong paraan ng paglalakbay papunta at pabalik sa city hall hangga’t maaari.
“Bilang mga public servant, may mandato po tayo na maging ehemplo para sa ating mga mamamayan sa wastong paggamit ng kuryente at enerhiya upang maibsan ang mga posibleng epekto ng digmaan sa Middle East,” ani Mayor Along.
“Panawagan ko po sa lahat, huwag tayong mag-aksaya ng kuryente at gasolina at kung maaari, subukan natin ang iba pang paraan ng transportasyon papunta sa ating mga paroroonan,” dagdag niya. (Richard Mesa)