• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Panukalang magtatatag ng MobiComm upang makahanap ng solusyon sa mga problema sa sektor ng transportasyon, inihain

“PARA sa bawat Pilipinong naghahangad ng ligtas, maginhawa, mabilis at makataong pagbiyahe – tulungan po natin silang makarating.” 

Ito ang pahayag ni Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima matapos ihain ang House Bill No. 11190, panukalang magtatatag ng Congressional Commission on Mobility o MobiComm upang makahanap ng solusyon sa mga problema sa sektor ng transportasyon.

“Mobility crisis is not a policy crisis. It is a governance crisis. For many of our countrymen, daily mobility is marked by a grueling and undignified ordeal marked by inadequate public transport, endless terminal queues, and highly unpredictable travel times,” sabi ni De Lima.

Ayon sa panukala ni De Lima, ang 10 katao na MobiComm ay pamumunuan ng chairman ng Senate Committee on Public Services at House Committee on Transportation.

Ang MobiComm ay inatasan na pag aaralan ang mga solusyon sa problema ng transportation at mga isyu tungkol sa active mobility, public transport, road safety, at universal accessibility.

“Kailangan din nating tingnan ang mobility hindi lamang bilang usapin ng traffic o pampublikong transportasyon, kundi bilang usapin ng disaster resilience at climate adaptation. Sapagkat ang kalsadang hindi handa sa trapiko ngayon, ay siya ring kalsadang bumibigay sa susunod na bagyo,” sinabi ni De Lima. 

Iginiit ni De Lima ang pangangailangan na mabuklod ang mga ahensya ng gobyerno na may kaugnayan sa mobilidad para ipatupad ang malinaw at kongkretong solusyon sa lumalalang problema sa sektor ng transportasyon.

“Kumilos na tayo ngayon. Huwag na tayong maghintay ng panibagong kalamidad o trahedya, at dagdagan pa ang pasanin ng milyon-milyon nating mga kababayan,” dagdag ng kongresista. (VINA de GUZMAN)