• March 14, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Panawagan ni Doc Garin, mas matatag na programa laban sa tumataas na kaso ng obesity o labis na katabaan

NANAWAGAN si Deputy Speaker Janette “Doc Nanay” Garin ng Iloilo nitong Huwebes ng mas matatag na programa laban sa tumataas na kaso ng obesity o labis na katabaan.
“Dahil sa mga processed food, mas bumibilis ang pag-gain ng timbang natin. Mahalaga talaga ang balanced diet at proper exercise,” pahayag ni Garin.
Ang labis na katabaan o sobra sa timbang ng isang tao ay kadalasang nauuwi sa diabetes, heart disease, at chronic kidney disease.
Ang Body Mass Index (BMI) na 25 kg/m² o mas mataas pa sa isang tao ay maaaring sobra sa timbang o may katabaan.
Ayon sa pag aaral ng Epidemiological Burden and Cost of Obesity in the Philippines (EpiCOb-PH) mga 41 percent ng Filipino adults o 29.5 million katao ay sobra sa timbang o may katabaan.
Binanggit din ng EpiCOb-PH ang epekto nito sa ekonomiya. Nitong 2025, ang sobrang katabaan ng isang tao ay nakakaapekto sa ekonomiya sa halagang P2.70 trillion na gastos, dulot ng healthcare costs at productivity losses.
Ayon kay Garin, ang katabaan o sobrang timbang ay maituturing na serious public health concern na kinakailangang tugunan agad.
“Ingatan natin ang ating kalusugan. Dahil sa obesity posibleng humantong ito diabetes, sakit sa puso, at iba pang malulubhang karamdaman,” pahayag ni Garin, dating Secretary ng Department of Health (DOH).
Nanawagan si Garin sa mga government agencies, communities, schools, at mga pamilya na patuloy na itaguyod ang healthier lifestyles.
“Responsibilidad ng buong komunidad ang matiyak ang mas malusog na kinabukasan para sa ating mga kababayan,” sinabi ni Garin. (Vina de Guzman)