• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pamahalaan dapat kumilos para maibalik si Zaldy Co; Tiangco

HINIMOK ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang mga ahensya ng gobyerno na gumawa ng mapagpasyang aksyon upang maibalik sa Pilipinas si dating Rep. Zaldy Co at sinabing ang kanyang patuloy na pagkawala ay nagpapakita ng malinaw na pag-iwas sa pananagutan.

“It’s very clear from the statement of his lawyer na walang balak umuwi si former Congressman Zaldy Co para harapin ang kaso niya,” aniya.

Ayon kay Tiangco, dalawang beses nang inimbitahan si Co ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ngunit hindi siya dumalo.

“Mismo ang abogado niya nagsabi na hindi siya uuwi dahil daw may threat sa buhay niya. Pero anong legal basis ng ganun? Wala. Dahil ba mayaman at makapangyarihan siya, pwede na niyang gamitin ang ‘threat to life’ para umiwas sa kaso? Eh ang ordinaryong Pilipino, kailangan pa ring humarap.”

Dagdag niya, walang opisyal threat assessment mula sa mga ahensya ng pambansang seguridad ang iniharap upang bigyang-katwiran ang pahayag ni Co.

“Kung talagang may threat, dapat threat assessment galing sa PNP, NBI, o NSA. Pero wala naman. Kaya dapat tanungin natin, totoo ba talaga ‘yong sinasabi nila?”

Sinabi ni Tiangco na matagal na niyang pinipilit ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni Co, lalo na kung ang kanyang pagliban ay ginagamit upang maiwasan ang pag-uusig.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Tiangco sa mga ulat na ang air assets ni Co ay lumipad na palabas ng bansa.

“Kung nakikita na ng gobyerno na ayaw na niyang umuwi at naglalabas na ng assets sa ibang bansa, dapat gumawa ng paraan para mapauwi siya. Nagagawa dati sa iba, bakit ngayon hindi? Kung ayaw, maraming dahilan. Kung gusto, gagawan ng paraan,” tanong niya.

Muling binigyang-diin ng mambabatas na ang korapsyon at mga proyektong hindi pangkaraniwan sa ilalim ng panunungkulan ni Co ay nagdulot ng pinsala sa gobyerno at sa mga Pilipino na nagbabayad ng buwis.

“Pag government official ka at tumanggap ka ng pera, corruption agad ‘yon. At kung may substandard projects, malinaw na damage to government property. Imagine, ₱20 billion ang budget ng distrito halimbawa sa Oriental Mindoro, pero mismong si President BBM ang nakakita ng mga sira at substandard projects,” ani Tiangco.

Binanggit niya ang testimonya ng opisyal ng DPWH na si Engineer Alcantara, na nagsabing si Co ay umano’y humingi ng 20% na komisyon noong una, na kalaunan ay itinaas sa 25% simula noong 2023.

Nanawagan si Tiangco sa mga awtoridad na tiyaking pantay ang hustisya, anuman ang kayamanan o posisyon.

“Dapat mahabol siya ng legal system. Responsibilidad ng gobyerno na siguraduhing managot si former Congressman Zaldy Co. Hindi pwedeng dahil mayaman ka o makapangyarihan ka, exempted ka na sa batas,” giit niya. (Richard Mesa)