• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 11th, 2025

Ads November 11, 2025

Posted on: November 11th, 2025 by Francis Paolo Torres No Comments

Elena Rybakina nagkampeon sa WTA Finals

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGKAMPEON si Elena Rybakina sa WTA Finals sa Riyadh.

Ito ay matapos na talunin niya si world No. 1 Aryna Sabalenka sa score na 6-3, 7-6 (7/0).

Itinuturing na ito na ang pinakamalaking titulo na kaniyang nakamit mula noong Wimbledon 2022.

Dominado ng world number 6 ang laro sa unang set subalit nagkumahog naman siya sa ikalawang set ng habulin ni Sabalenka ang laban.

Sinabi ni Rybakin na hindi niya akalain na mananalo ito dahil sa may iniinda siyang injury sa kaniyang balikat.

Pilipinas all-set na sa hosting ng Junior World Championship

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HANDANG handa na ang Pilipinas matapos ang nalalapit na pag-host nito ng 3rd International Gymnastics Federation Artistic Gymnastics Junior World Championships sa bansa.

Ayon kay Gymnastics Association of the Philippine (GAP) president Cynthia Carrion, na aabot sa 2,000 na atleta at opisyal mula sa 72 bansa ang makikibahagi.

Gaganapin ito mula Nobyembre 20 hanggang 24 sa lungsod ng Pasay.

Nagpapasalamat si Carrion dahil sa buong suporta na ibinibigay ni Philippine Sport Commission at maging ang national government.

DBM, inaprubahan ang ₱1.684-B calamity fund na ikakarga sa DA, DSWD at PCG

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng ₱1.684 billion para i- replenish o muling punuan ang Quick Response Funds ng Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, at Philippine Coast Guard.

Ang hakbang ay kasunod ng naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bilisan ang ‘recovery at rehabilitasyon’ ng mga lugar na tinamaan ng kamakailan lamang na kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa kabuuang halaga, ipinalabas ang ₱1 billion sa DA para palakasin at pagtibayin ang ‘recovery at rehabilitation programs’ nito sa mga rehiyon na apektado ng African Swine Fever at kamakailan lamang na tropical cyclones.

Ang pondo ay magsisilbi rin bilang stand-by resource para sa agricultural recovery efforts sa antisipasyon ng mga kalamidad at sakuna sa hinaharap, kabilang na ang potensiyal na epekto ng Super Typhoon Uwan.

“Malaki ang damage ng mga bagyo at sakuna sa ating agrikultura at ang numero uno pong biktima n’yan ‘yung ating mga magsasaka at mangingisda,” ang sinabi ni DBM Sec. Amenah Pangandaman.

“Kaya sa hiling po ng DA na i-replenish ‘yung kanilang QRF, agad na inaprubahan po natin ‘yan, in anticipation also of other weather disturbances this year, lalo na at may paparating tayong super typhoon,” aniya pa rin.

Sa ilalim ng Special Provision of the FY 2025 General Appropriations Act, popondohan ng QRF ng Da ang probisyon ng mga input ng mga mga pananim, livestock, poultry, aat palaisdaan; pagkumpuni ng production at post-production facilities; at cash aid o tools para sa mga apektadong magsasaka at mangingisda.

Samantala, ang ₱631.023 million ay ipinalabas sa DSWD para i- replenish ang 2025 QRF nito.

Popondohan ng gagawing replenishment ang procurement o pagkuha ng Family Food Packs at Non-Food Items, stockpiling ng relief goods, at emergency cash na ililipat sa 58,962 pamilyang apektado ng lindol at bagyo sa ilang lalawigan.

Sakop din nito ang warehouse rentals, administrative costs, at stand-by funds para DSWD regional offices.

“This replenishment of QRF for DSWD will ensure that our affected kababayans continue to receive needed financial aid, relief goods, and livelihood to help them recover from disasters,”ang sinabi ng Kalihim.

“Ang pakiusap po natin sa DSWD, agad din po sana ‘yang makarating sa mga kababayang nasalanta para makabalik sa normal ang kanilang pamumuhay,” aniya pa rin.

Bilang karagdagan sa ₱631.023 million, nauna nang ipinalabas ng DBM ang kabuuang ₱1.982 billion sa DSWD nito lamang Oktubre para sa QRF replenishment.

Nagpalabas din ang DBM ng ₱53.007 million sa Philippine Coast Guard para palakasin ang ‘relief, rehabilitation, at search and rescue operations nito sa panahon ng kalamidad.

“Alam naman natin na sa oras ng sakuna, nandiyan palagi ang ating Philippine Coast Guard—handang magligtas ng buhay ng maraming nating kababayang nasa peligro,” ang tinuran ni Pangandaman.

“During these times, mas kailangan nila ng ating tulong at suporta,” aniya pa rin.

(Daris Jose)

PBBM, nakatutok sa sitwasyon hinggil sa Bagyong Uwan

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKATUTOK si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kasalukuyang sitwasyon sa maraming lugar sa bansa na sinalanta at patuloy na hinahagupit ng bagyong uwan.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na palagiang binibigyan ng update ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang pangulo sa mga nangyayari sa ibat ibang bahagi ng bansa.

Siniguro aniya ng Pangulo na kumikilos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga apektado ng kalamidad.

Sa katunayan, pangunahin sa naging bilin ng Pangulo ang kaligtasan ng mga tao, sapat na pagkain, suriin ang kanilang kalusugan at siguruhing may mga damit pang ginaw lalo pa at lamig ng panahon ang isa sa mga kalaban sa ganitong sitwasyon.

Samantala, sinabi ni Castro na asahan na nakaalalay ang gobyerno hanggang makabangon muli ang mga naapektuhan ng kalamidad. (Daris Jose)

𝐁𝐀𝐆𝐘𝐎𝐍𝐆 𝐔𝐖𝐀𝐍 𝐌𝐎𝐍𝐈𝐓𝐎𝐑𝐈𝐍𝐆 SA IMUS, CAVITE

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY po nating mino-monitor ang weather situation sa Command Center ng Imus, Cavite kasama sina Mayor Alex Advincula at ang ating Disaster Preparedness Team upang masiguro ang kaligtasan ng bawat Imuseño sa pananalasa ng Bagyong #UwanPH.

Mga kababayan, ito po ay isang mapanganib na bagyo, kaya’t napakahalaga ng ating paghahanda at pag-iingat. Siguraduhing handa ang inyong pamilya, ihanda ang emergency kit, at makinig lamang sa opisyal na abiso ng PAGASA at ng ating Lokal na Pamahalaan.

Ang kaligtasan ng bawat Imuseño ang ating pangunahing layunin.

(Boy Morales Sr.)

Mahigit 8K pamilya, inilikas sa evacuation centers sa Caloocan, Malabon, Valenzuela

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa mahigit 8K pamilya ang inilikas sa mga evacuation center sa Caloocan, Malabon at Valenzuela Cities kaugnay ng pananalasa ng Bagyong Uwan.

Sa Caloocan, umabot sa 1,696 pamilya o 6,527 individuals ang inilikas sa mga evacuation center sa buong lungsod kung saan personal silang binisita at kinamusta ni Mayor Along Malapitan para hatiran ng relief packs.

Binigyan din sila ng libreng gamot, vitamins, at doxycycline para sa mga lumusong sa baha at nagsagawa rin ng libreng check up para sa kanila.

Umabot naman sa 909 mga pamilya o 3,456 individuals ang pansamantalang nanunuluyan sa lahat ng mga evacuation center sa Lungsod ng Malabon.

Nag-ikot naman si Mayor Jeannie Sandoval sa lahat ng evacuation center sa lungsod para personal na kamustahin at bigyan ng mainit na pagkain at food packs ang mga evacuees.

Sa ulat ng Malabon DRRMO, ligtas at passable ang lahat ng mga pangunahing kalsada sa Lungsod at walang naiulat na pagbaha o pagbara sa mga lansangan.

Samantala, ayon naman sa Valenzuela Public Office, as of 3pm ng November 10, abot sa 1,359 mga pamilya o 5,093 individuals ang nasa mga evacuation center sa buong lungsod kung saan personal din silang binisita at kinamusta ni Mayor Wes Gatchailan.

Binigyan din sila ng mainit na pagkain at nagsagawa rin ng libreng check up at first aid para sa kanila habang nagkaroon naman ng gutter na pagbaha sa Gen. Velilia St., Brgy., Pariancillo Villa sanhi ng nasira umanong dike sa Brgy., Lawa, Obando, Bulacan. (Richard Mesa)

Pamahalaan dapat kumilos para maibalik si Zaldy Co; Tiangco

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

HINIMOK ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang mga ahensya ng gobyerno na gumawa ng mapagpasyang aksyon upang maibalik sa Pilipinas si dating Rep. Zaldy Co at sinabing ang kanyang patuloy na pagkawala ay nagpapakita ng malinaw na pag-iwas sa pananagutan.

“It’s very clear from the statement of his lawyer na walang balak umuwi si former Congressman Zaldy Co para harapin ang kaso niya,” aniya.

Ayon kay Tiangco, dalawang beses nang inimbitahan si Co ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ngunit hindi siya dumalo.

“Mismo ang abogado niya nagsabi na hindi siya uuwi dahil daw may threat sa buhay niya. Pero anong legal basis ng ganun? Wala. Dahil ba mayaman at makapangyarihan siya, pwede na niyang gamitin ang ‘threat to life’ para umiwas sa kaso? Eh ang ordinaryong Pilipino, kailangan pa ring humarap.”

Dagdag niya, walang opisyal threat assessment mula sa mga ahensya ng pambansang seguridad ang iniharap upang bigyang-katwiran ang pahayag ni Co.

“Kung talagang may threat, dapat threat assessment galing sa PNP, NBI, o NSA. Pero wala naman. Kaya dapat tanungin natin, totoo ba talaga ‘yong sinasabi nila?”

Sinabi ni Tiangco na matagal na niyang pinipilit ang Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ni Co, lalo na kung ang kanyang pagliban ay ginagamit upang maiwasan ang pag-uusig.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Tiangco sa mga ulat na ang air assets ni Co ay lumipad na palabas ng bansa.

“Kung nakikita na ng gobyerno na ayaw na niyang umuwi at naglalabas na ng assets sa ibang bansa, dapat gumawa ng paraan para mapauwi siya. Nagagawa dati sa iba, bakit ngayon hindi? Kung ayaw, maraming dahilan. Kung gusto, gagawan ng paraan,” tanong niya.

Muling binigyang-diin ng mambabatas na ang korapsyon at mga proyektong hindi pangkaraniwan sa ilalim ng panunungkulan ni Co ay nagdulot ng pinsala sa gobyerno at sa mga Pilipino na nagbabayad ng buwis.

“Pag government official ka at tumanggap ka ng pera, corruption agad ‘yon. At kung may substandard projects, malinaw na damage to government property. Imagine, ₱20 billion ang budget ng distrito halimbawa sa Oriental Mindoro, pero mismong si President BBM ang nakakita ng mga sira at substandard projects,” ani Tiangco.

Binanggit niya ang testimonya ng opisyal ng DPWH na si Engineer Alcantara, na nagsabing si Co ay umano’y humingi ng 20% na komisyon noong una, na kalaunan ay itinaas sa 25% simula noong 2023.

Nanawagan si Tiangco sa mga awtoridad na tiyaking pantay ang hustisya, anuman ang kayamanan o posisyon.

“Dapat mahabol siya ng legal system. Responsibilidad ng gobyerno na siguraduhing managot si former Congressman Zaldy Co. Hindi pwedeng dahil mayaman ka o makapangyarihan ka, exempted ka na sa batas,” giit niya. (Richard Mesa)

Patuloy na pagbibigay ng tulong at deployment ng medical teams, ipinag-utos ni PBBM

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga kinauukulang departamento ng bansa na patuloy na magbigay ng tulong sa lahat ng mga sinalanta ng bagyo.

Ang agarang pag-aksyon ng Pangulo ay ilang oras lamang matapos na mag-landfall ang Super Typhoon Uwan sa Dinalungan, Aurora, Linggo ng gabi.

Sa katunayan, sa situation briefing sa PSC Command Operations Center ngayong umaga kung saan tinalakay ang pinakahuling ulat sa pagtugon ng pamahalaan sa Super Typhoon, ipinag-utos ni Pangulong Marcos sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni Secretary Rex Gatchalian ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong sa lahat ng mga sinalanta ng bagyo.

Ayon sa DSWD, patuloy nilang binabantayan ang mga evacuation operations at status ng mga bakwit.

Sa Bicol Region, naitala ang may pinakamaraming bilang ng mga bakwit matapos na umabot sa 100,050 na mga pamilya ang apektado roon.

Habang sa Camarines Sur, tinatayang aabot sa 44,000 pamilya at 20,000 pamilya naman ang apektado sa Quezon Province sa Calabarzon.

Inaasahan namang makababalik na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga nasa evacuation centers matapos ang unti-unting paghupa ng tubig-baha roon.

Sa kabilang dako, ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos sa Department of Health (DoH) sa pangunguna ni Secretary Ted Herbosa na tiyaking mayroong mga medical teams sa mga evacuation centers upang mabantayan ang kalusugan ng mga bakwit.

Kagyat namang pinasimulan ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna naman ni Secretary Vince Dizon ang rehabilitation efforts sa mga nasirang kalsada upang hindi maantala ang pagpapadala ng tulong saan mang panig ng bansa.

Samantala, sa datos ng gobyerno, mayroong 71 na mga kalsada ang hindi pa madaanan dahil sa epekto ng bagyo kabilang na sa GitnangLuzon at Cordillera Administrative Region lalo na sa Mouintain Province, Benguet at Apayao.

May ilang mga kalsada rin ang hindi pa madaanan sa Aurora.

Sa report ng OCD, ang Pangasinan ang lubhang naapektuhan ng pagbaha na agad namang humupa matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Uwan.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), may apat ang naitalang nasawi dahil sa Super Typhoon Uwan subalit dalawa sa nasabing bilang ay bina-validate pa ng ahensiya.

Wala namang naitalang missing persons. Nagpapatuloy pa rin ayon sa OCD ang rescue operations sa Pangasinan.

Ipinag-utos din ng Pangulo sa lahat ng ahensiya ng gobyerno ang walang humpay na pagbabantay sa lagay ng panahon mula ngayong araw ng lunes, Nobyembre 10 hanggang bukas, araw ng Martes, Nobyembre 11.

Pinaalalahanan naman ng Pangulo ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya na ipagpatuloy ang rehabilitation efforts sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Tino at sa mga lugar na napinsala ng Super Typhoon Uwan. (Daris Jose)

Chief Nartatez, nanguna sa pagsubaybay sa mga operasyon ng PNP matapos ang bagyong UWAN

Posted on: November 11th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MATAPOS ang pagdaan ng Bagyong Uwan, personal na binisita ni Acting Chief PNP Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang PNP Command Center (PCC) ngayong Lunes ng umaga upang pangunahan ang pagsubaybay sa mga operasyon ng pulisya at mga hakbang sa pagtugon sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.

Kasama si Police Colonel Ramon Pranada, hepe ng PCC, sinuri ni Lt. Gen. Nartatez ang mga ulat mula sa iba’t ibang rehiyon at mga unit ng pulis na kasalukuyang nakatalaga sa mga apektadong komunidad.

Ipinamalas ng kanilang pagbisita ang dedikasyon ng pamunuan ng PNP sa patuloy na pagbabantay at pagtitiyak na ang mga operasyon para sa relief, rehabilitasyon, at seguridad ay maayos na isinasagawa at nakatuon sa kapakanan ng publiko.

Sa kanyang pagbisita, nakipag-ugnayan si Lt. Gen. Nartatez sa mga tauhang naka- duty upang alamin ang mga pinakahuling ulat at magbigay ng mga tagubilin para mapanatili ang maayos na koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at mga responder.

Binigyang diin niya ang kahalagahan ng patuloy na kahandaan kahit nakalampas na ang bagyo at ipinaalala na ang tunay na pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa panahon ng krisis kundi sa tuloy tuloy na pagtulong sa panahon ng pagbangon.

Ipinunto rin niya na ang epektibong pamumuno sa ganitong mga pagkakataon ay nangangailangan ng disiplina at malasakit, mga katangiang patuloy na ipinapamalas ng PNP sa kanilang serbisyo sa publiko.

Patuloy na nakahanda ang PNP sa pagtulong sa mga operasyon ng relief, clearing, at rehabilitasyon sa mga lugar na tinamaan ng Uwan.

Sa 24/7 operasyon ng Command Center, tuloy tuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga yunit sa field upang tiyakin ang kaligtasan, tulungan ang mga evacuee na makabalik sa kanilang mga tahanan, at mapabilis ang pagbabalik sa normal na pamumuhay.

Ang pagbisita ni Lt. Gen. Nartatez ay sumasalamin sa pamumunong may malasakit at pagkilos, paalala na ang tunay na paglilingkod sa bayan ay hindi nagtatapos kapag lumipas ang unos kundi nagpapatuloy hangga’t may mga Pilipinong nangangailangan ng tulong. (Richard Mesa)