PAMAMAHALA SA FLOOD CONTROL SYSTEM, GUSTONG ILIPAT SA LOCAL GOVERNMENT
- Published on August 1, 2025
- by @peoplesbalita
GUSTONG ilipat ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa lokal na pamahalaan ang pamamahala sa flood control system sa halip na sa national agency gaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).Kung ibibigay aniya sa alkalde ang kapangyarihan, may aksyon at pananagutan.
Sinabi ng alkalde na mas direktang humaharap ang mga LGU sa taumbayan kaya’t mas may accountability sa mga palpak na proyekto.
Binanggit ni Domagoso ang pumping station sa Sunog Apog na hindi gumagana na aniya’y “brand new pero inutil”—isang halimbawa umano ng sablay na konstruksiyon mula sa DPWH.
Ayon pa sa alkalde , kahit may P34 bilyong pondo ang DPWH para sa flood control sa NCR, sira naman ang karamihang proyekto nito o hindi pa natatapos tulad ng Estero de Abad, Remedios, at Padre Faura pumping stations.
Sa kabilang banda, pinuri ni Isko ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may 72 operational pumping stations, 24 dito ay nasa Maynila, sa kabila ng mas maliit na P2 bilyong pondo.
Sinang-ayunan din ng alkalde ang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos na kastiguhin ang mga tiwaling opisyal at kontratista na responsable sa mga palpak at ghost projects kaugnay ng flood control. (Gene Adsuara)