PAGKAKATALAGA KAY MATIBAG SA NBI, HINDI REWARD
- Published on February 24, 2026
- by @peoplesbalita
NILINAW ng bagong talagang National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na hindi in-offer o inalok sa kanya ang posisyon kundi dumating lang ang pagkakataon na siya’y magbalik serbisyo publiko.
Ginawa ni Matibag ang pahayag matapos siyang mag courtesy call sa Department of Justice (DOJ) kung saan kinontra ang naging pahayag ni Atty Harry Roque na nakuha niya na ang premyo o reward mula sa administrasyong Marcos sa pagtatalaga sa kanya sa NBI.
Ayon pa kay Matibag noon pa man ay matagal na siyang nanungkulan sa gobyerno at naramdaman niya na panahon na para bumalik sa serbisyo publiko at siya ay dati nang nag-apply sa NBI.
“Noon pa man po ay mayroon na akong mga sinasabi na gusto kong makatulong sa ating administrasyon –siguro po nag-align lang ang mga bituin kaya tayo tinawag para manungkulan sa posisyon” pahayag pa ni Matibag sa ambush interview ng mga mamahayag.
Magugunitang naghain ng disbarment case si Matibag laban kay Roque matapos nitong inilabas ang video na nagpapakitang gumagamit ng iligal na droga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr, pero iginiit at kinumpirma ni Matibag na peke ang naturang video.
Samantala nangako naman si Matibag na magiging transparent sila sa lahat ng iniimbestigahan nilang mga kaso para sa kapakanan ng publiko .(Gene Adsuara)