Pagdiriwang ng Ika-128 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, Masiglang Ginunita sa Lungsod ng Calamba
- Published on June 16, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKIISA ang buong Lungsod ng Calamba sa pagdiriwang ng ika-128 Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kasarinlan ng Pilipinas sa isang makasaysayang seremonya na ginanap sa harapan ng Pamahalaang Gusali nitong Biyernes, Hunyo 12, 2026.
Ang pagtitipon ngayong taon ay naglayong sariwain ang kabayanihan ng mga ninuno na nagbuklod para sa kalayaan ng bansa, kaalinsabay ng maagang pagpupugay sa nalalapit na ika-165 na kaarawan ng pambansang bayani na si Gat Jose Rizal sa darating na Hunyo 19.
Pinangunahan ni Mayor Roseller “Ross” Rizal, katuwang si Vice Mayor Angelito “Tottie” Lazaro Jr. at ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, ang sabay-sabay na pagtataas ng pambansang watawat at maringal na pag-aalay ng bulaklak.
Naging kabahagi rin sa aktibidad si Kongresista Charisse Anne “Cha” Hernandez ng Solong Distrito ng Calamba, na nagpaabot ng kanyang mensahe ukol sa kahalagahan ng pagpapanatili ng diwa ng EDSA, rebolusyon, at tunay na kalayaan sa puso ng bawat Calambeño.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Rizal na ang kalayaang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan ay bunga ng dugot at sakripisyo ng mga bayani, kaya’t marapat lamang na ito ay pangalagaan sa pamamagitan ng tapat at tumpak na paglilingkod sa bayan.
Dumalo rin sa makabayang okasyon ang mga kawani ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, at mga kapulisan na nag-alay ng kanilang pagsaludo para sa bansa.
(Yvonne Bagang/Boy Morales Sr.)