• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbawi ng salaysay ni Orly Guteza, hindi maaaring gawing dagdag ebidensiya kay dating Speaker Martin Romualdez

ANG PAGBAWI ng salaysay nila Orly Guteza at ilan sa mga miyembro ng “Maleta Boys” ay hindi maaaring gawing dagdag ebidensiya na magpapatatag sa kaso laban kay dating Speaker Martin Romualdez, ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita, Atty. Ade Fajardo.

Kinontra ni Fajardo ang pahayag ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang original statements at recantations ay parehong gawing ebidensiya sa isinasagawang preliminary investigation ng Office of the Ombudsman hinggil sa pagkakasangkot ni Romualdez sa mga flood-control projects scam.

“Well, we respectfully disagree po,” pahayag ni Fajardo. “Mukhang nagsasabi lang ang tanggapan ng Ombudsman ng mga ganoong salita para sabihin na buhay pa ang kaso nito.”

Aniya, dapat pag-aralan ang dahilan kung bumaligtad ng salaysay ang isang testigo.

“The recantations should be examined for what they say about the credibility and reliability of the original allegations, particularly when the witnesses themselves are now disputing or withdrawing their previous statements,” sinabi ni Fajardo. 

Samantala, nagpahayag naman nang pag-aalala ang kampo ni Romualdez sa pagtawag kay Romualdez na ‘mastermind’ habang nagsasagawa pa ng preliminary investigation sa usapin.

Ayon pa kay Fajardo, nagbibigay ito ng impression na mayroon ng konklusyon bago pa man makumpleto ng Office of the Ombudsman ang evaluation ng mga ebidensiya.

“Well, sa amin pong appreciation, at kami ay nangangamba na dahil sa maraming mga pampublikong posisyon ng kasalukuyang Ombudsman ay parang na-prejudge na, or parang meron nang konklusyon na nabuo, at hinahabol ang ebidensiya para lang masuportahan ‘yung…legal conclusion na sa amin namang palagay ay wala nga,” pahayag pa ni Fajardo.

“Ang naging problema namin diyan kasi nga at this stage po ng investigation, ang hinihiling po ng ating mga alituntunin at ng ating batas at mismong Saligang Batas ay fairness and impartiality.”

(VINA de GUZMAN)