Pagbabawal sa social media, online gaming sa mga bata, lusot sa Kamara
- Published on September 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKAPASA na sa panel ng Kamara ang panukalang Children’s Social Media and Online Gaming Safety Act, na layong protektahan ang kabataan laban sa mararahas na content at labis na pagkakalulong sa online gaming platforms. Ang panukala ay bunga ng pinagsamang 41 House Bills kabilang ang House Bill No. 6080 na iniakda nina Tingog Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez, Andrew Julian Romualdez, at Jude Acidre.
Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, prayoridad ng Kongreso at ehekutibo ang pagbibigay-proteksiyon sa mga bata sa social media. Noong Agosto, isinama na ito sa LEDAC Common Legislative Agenda matapos iprisinta sa Kamara. Giit ni Dy, mahalagang simulan ang mas mahigpit na regulasyon lalo na’t tumataas ang insidente ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School na ikinasawi ng dalawang estudyante at ikinasugat ng dalawa pa.
Para kay Rep. Jude Acidre, ang pagkakapasa ng panukala sa komite ay patunay ng pangangailangan ng balanseng pagtugon: “Parents will always have an important role in guiding their children online, but families should not be expected to carry this responsibility by themselves… we cannot ignore how much these platforms now shape their everyday lives, and that comes with responsibility.”
Sa susunod na hakbang, tatalakayin na ito sa plenaryo ng Kamara bago tuluyang isulong sa Senado.