P272K shabu, nasamsam sa durugista na naaresto sa sugal sa Caloocan
- Published on June 8, 2026
- by Francis Paolo Torres
UMABOT sa P272K halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa isa sa dalawang kelot na naaresto ng pulisya habang naglalaro ng ilegal na sugal sa Caloocan City, Sabado ng madaling araw.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Jerome”, 37, at alyas “Henry”, 44, kapwa ng PNR Compound, Brgy., 73, ng lungsod.
Ayon kay Col. Goforth, habang nagsasagawa foot patrol ang mga tauhan ng Police Sub-Station 3 sa DM Compound, Brgy., 73, nang maaktuhan nila ang isang grupo ng kalalakihan na naglalaro umano ng sugal na ‘cara y cruz’ dakong alas-12:30 ng madaling araw.
Nang kanilang lapitan, nagpulasan sa magkahiwalay na direksyon ang mga ito subalit, nagawang maaresto ng mga pulis ang dalawa sa kanila habang nakatakas naman ang isa.
Nasamsam sa dalawang naaresto ang P600 bet money at pangara habang ang isang knot-tied transparent plastic pack na naglalaman ng nasa 40 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P272,000 ay nakuha kay umano kay alyas Jerome.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) at R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)