P 5,000 ayuda para sa mga pampasaherong drivers, agarang ipapamigay sa susunod na linggo
- Published on March 12, 2026
- by @peoplesbalita
INATASAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang agarang pamamahagi ng
P 5,000 fuel subsidy para sa mga pampasaherong drivers na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina bunsod ng umiiral na tensyon at gyera sa Gitnang Silangan.
Upang mapabilis ang implementasyon, pinulong ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang mga Metro Manila mayors ngayong araw para plantsahin ang mabilis at maayos na pamamahagi ng tulong.
“Bilang mayors, kayo ang higit na nakakaalam sa tunay na sitwasyon at bilang ng mga tricycle at jeepney drivers sa inyong mga lungsod. Kaya mahalaga ang ating pagtutulungan. Sa mabuting koordinasyon at sabayang pagkilos, mas mabilis nating maipaparating ang tulong sa bawat driver na nangangailangan,” ayon kay Recto.
“Sa pakikipagtulungan sa mga mayors, mas mabilis nating maipaparating ang tulong sa bawat driver na nangangailangan,” aniya pa rin.
Sa katunayan, magsisimula sa susunod na linggo ang distribusyon ng fuel subsidy sa Metro Manila, na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Transportation (DOTr). Kasunod nito ay agad na ipatutupad ang pamimigay sa iba pang rehiyon sa buong bansa.
Ito ay bahagi ng malinaw na direktiba ng Pangulo na magbigay ng agarang ginhawa at proteksyon sa kabuhayan ng mga sektor na direktang tinatamaan ng krisis sa langis.
Makikipagtulungan ang mga ahensya ng national government at mga LGUs upang matiyak na mabilis, maayos, at direktang makarating ang tulong sa mga drivers na nangangailangan. (Daris Jose)