Online seller, 1 pa huli sa aktong nagtatransaksyon ng droga sa Caloocan
- Published on September 9, 2025
- by @peoplesbalita
SA kulungan ang bagsak ng dalawang drug suspects matapos mahuli sa akto na nagtatransaksyon ng illegal na droga sa Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Caloocan Police Acting Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek na sina alyas “Ryan”, 29, online seller at alyas “Gorge”, 19, helper.
Ayon kay Col. Goforth, nakatanggap ng tip mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 hinggil sa nagaganap umanong illegal drug activities sa M. Ponce Street, Barangay 132.
Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng SS5 at naaktuhan nila ang mga suspek na nag-aabutan umano ng droga na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila dakong alas-2:00 ng madaling araw.
Nasamsam sa mga suspek ang dalawang plastic sachets na naglalaman ng nasa 5.18 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P35,224.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)
https://share.google/images/8qhyztvF0hJ2gesls
News 2
Dating DPWH engineer, humiling sa Kamara na huwag pabalikin sa Senado
HINILING ng isang dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasa ilalim ng Senate custody sa House Infra Comm na huwag na siyang pabalikin sa senado dahil may ilang sangkot na senador umano sa maanomalyang flood control projects.
“Pwede ho bang ‘wag n’yo na po ako ibalik sa Senate, Your Honor, kasi may mga involved pong senador dito at hindi ko po alam ang magiging kapalaran ko kung ibalik niyo ako doon,” pahayag ni Brice Ericson Hernandez, na una nang na-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee.
Tumestigo si Hernandez na ang kanyang dating boss na si Henry Alcantara, ang nagpakuha ng pera na nakakahon ngunit hindi niya alam kung sa kanya napunta lahat iyon.
Nang tanunging kung si Alcantara ang tanging tumanggap, sinabi ni Hernandez na hindi niya mapangalanan ang iba dahil sa pangamba sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.
“Siyempre natatakot din po ako sa buhay ko at sa pamilya ko kasi hindi naman po birong tao ‘yung mga taong involved dito,” pahayag nito.
Siniguro naman ni Ako Bicol Party List Rep. Alfredo Garbin Jr. kay Hernandez na proteksyon. “Engineer Hernandez, you will be protected by this committee as long as you will say the truth,” anang mambabatas.
Sa pagdinig, pinangalanan ni Hernandez sina Senador Jinggoy Estrada at Joel Villanueva na sangkot umano sa anomalya.
Ang Infra Comm ay binubuo ng House Committees on Public Accounts, Public Works and Highways, at Good Government and Public Accountability ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y ghost at substandard flood control projects. (Vina de Guzman)