• October 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NPC, magdaraos ng concert para sa mga senior at maysakit na miyembro

MAGDARAOS ang National Press Club of the Philippines (NPC) ng benefit concert para sa mga senior at maysakit na mga miyembro nito na gaganapin ngayong Biyernes, Oktubre 23, 2026, sa NPC Building sa Intramuros, Maynila, bilang bahagi ng mga aktibidad para sa ika-74 na anibersaryo ng pagkakatatag ng NPC.

Pinamagatang “NPC Concert: Himig ng Kalayaan,” layunin ng konsiyerto na makalikom ng pondo upang makatulong sa pangangailangan at kapakanan ng mga nakatatanda at may sakit na miyembro ng NPC bilang pagkilala sa kanilang mga taon ng paglilingkod at ambag sa pamamahayag sa Pilipinas.

Kabilang sa mga magtatanghal sina beteranang mang-aawit Lolita Carbon, rock performer Osang Therockdiva, ang Pakyaw Duo (Ace Soliman at Roy Dela Cruz), at ang Wind Breaker Dancers (Haji Garcia at Marlon Samala). Si Susan Rodriguez ang magiging host ng programa.

“Bilang isang non-stock, non-profit na organisasyon ng mga mamamahayag, umaasa ang NPC sa mga inisyatibang tulad nito upang makalikom ng pondo at makapagbigay ng tulong sa ating mga nakatatanda at may sakit na miyembro,” pahayag ni NPC President Mina Navarro.

Ayon kay Navarro, ipinakikita ng konsiyerto ang patuloy na pangako ng Club na pangalagaan ang kapakanan ng mga beteranong mamamahayag at nakatatandang media practitioner na naglaan ng malaking bahagi ng kanilang buhay sa paghahatid ng impormasyon sa publiko at pagtataguyod ng malayang pamamahayag.

Higit pa sa pagdiriwang ng anibersaryo, pagkakataon ang konsiyerto upang magkaisa at magtulungan ang komunidad ng medya. Pagpupugay rin ito sa mga henerasyon ng mamamahayag na nag-ambag sa paghubog ng pamamahayag sa bansa.

Nagpasalamat ang NPC sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa pag-isponsor ng konsiyerto at pagsuporta sa pagsisikap ng Club na matulungan ang mga lifetime at may sakit na miyembro nito.

Ipagdiriwang ang ika-74 na anibersaryo ng NPC sa Oktubre 29, 2026, sa Bulwagang Plaridel, NPC Building, Magallanes Drive, Intramuros, Maynila. (Richard Mesa)