Non-technical system loss charges sa kuryente, alisin panukala ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima
- Published on August 12, 2026
- by Francis Paolo Torres
ALISIN na ang non-technical system loss charges sa kuryente at huwag isama ito sa pagpataw ng value-added tax (VAT).
Ito ang panukala ni Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima at nais niyang amiyendahan ang ilang probisyon ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at limitahan ang kapangyarihan ng Energy Regulation Commission (ERC) na magpataw ng technical loss.
Sa panukala ni De Lima, pagbabawalan na ang mga distribution utilities (DUs) na maningil ng non-technical loss sa kahit anong sistema o paraan.
“Tanggalin na dapat ang mga dagdag pabigat at di-makatarungang ikinakarga sa bayarin sa kuryente tulad ng non-technical system loss. Malaking bahagi ng gastos ng pamilya ang napakamahal at nagmamahal pang kuryente. Hindi naman tumataas ang sahod kaya nauuwi ito sa pagtitipid sa konsumo at pagkaltas ng budget para sa iba pang pangunahing pangangailangan. Kaya sobrang kalabisan kung papasanin pa ng mga Pilipino pati yung hindi naman nila napakinabangang serbisyo,” sinabi ni De Lima.
Samantala, naghain din si De Lima ng hiwalay na panukala na huwag ipataw ang nasingil na system loss charges sa VAT.
“Filipinos deserve the quality services they truly deserve. Maawa naman tayo sa ating mga kababayan. Binubuwisan na nga sila sa sandamakmak na ghost flood control projects, binubuwisan pa rin sila para sa guni-guning kuryente,” pahayag ni De Lima.
(VINA de GUZMAN)