Ni-reveal na hindi pa ready na magka-baby…YENG, inamin na nag-audition para maging SexBomb Dancers pero hindi natanggap (ni: ROHN ROMULO)
- Published on September 10, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAKATUTUWANG nag-audition pala si Pop Rock Royalty na si Yeng Constantino para maging member ng SexBomb Dancers.
Sa guesting niya sa “Fast Talk with Boy Abunda”, inamin ng Kapamilya star at newest coach ng “The Voice Kids”, 14 years old pa lamang siya nang mag-audition sa SexBomb.
Ilang taon ito bago pa magwagi ang singer-songwriter sa reality talent search ng ABS-CBN na “Pinoy Dream Academy.”
Kuwento ni Yeng, “Ito ay parte ng buhay ko na talagang… hindi kasi ako magaling sumayaw kaya ang reaction ko ay medyo na ano ako, buti po hindi ako na-qualify talaga.
“Pero ang nanay ko gusto po talaga akong maging artista. At that time sina Ma’am Rochelle (Pangilinan), Ma’am Jopay Paguia sobrang sikat.”
“Sabi ni Mama, ‘Baka ito ang paraan. Subukan mo anak mag-audition dito,’” sey ni Yeng.
Proud na proud na inamin ni Coach Yeng na super fan talaga siya ng SexBomb Girls at isa rin siya sa mga “pinalaki” ng iconic group.
Samantala, ni-reveal din ni Yeng na hindi pa siya handang magkaroon ng baby.
Hindi naman siya nangangamba na di pa magbuntis at manganak kundi marami pa raw siyang obligasyon sa kanyang pamilya.
Ilang taon na sila mag-asawa ni Yan Asuncion pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nabibiyayaan ng anak.
Ikinasal ang celebrity couple sa Hacienda Isabella sa Indang, Cavite noong February, 2015.
“Yes or no, ready na maging mommy?” tanong ng King of Talk Boy Abunda.
Sagot ni Yeng, “Marami pa po akong obligasyon.”
Dagdag pa niya, “My mom passed away 5 years ago.
“Noong bago po mamatay si Mama, ang talagang ibinilin po sa akin ay mga kapatid ko saka si Papa. So I talked to my husband. Love, alam mo, kasi tayo ‘yong bine-bless ni God, e.
“And ang daming dumarating na biyaya, I guess ‘yung way ng mama ko na ibinilin sa akin ang mga kapatid ko, kung bakit tayo binubuhusan ni Lord, mayroon siyang dahilan.”
Pagbabahagi pa niya sa pagtulong sa pamilya, “kung will ni God, kung mangyari po, okay. Pero right now, I’m just so happy na ako po ‘yung naka-assign sa family ko to help them.”