• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, PINASINAYAAN ANG PROYEKTONG PABAHAY PARA SA MGA ISF NG VALENZUELA

PORMAL na pinasinayaan ng National Housing Authority (NHA) ang unang tatlong (3) low-rise building (LRBs) bilang bahagi ng Disiplina Village – Arkong Bato, sa isang seremonya na ginanap sa Brgy. Arkong Bato, Valenzuela City.

Personal na pinangunahan ni NHA General Manager Joeben A. Tai ang inagurasyon at pagbabasbas ng mga gusali, katuwang si NHA NCR-North Sector Regional Manager Engr. Jovita S. Panopio.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni GM Tai ang kahalagahan ng kaganapan bilang bahagi ng pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makapaghatid ng ligtas, disente, at sustenableng mga tirahan at komunidad.

“Ang NHA po, sa ilalim ng aking pamumuno at alinsunod sa adhikain ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH) na isa sa mga hangarin ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay patuloy na sumusuporta at aagapay upang makapagbigay po ng ligtas na mga pabahay tungo sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng pamumuhay ng ating mga kababayan,” ani ng pinuno.

Bilang bahagi ng seremonya, nagsagawa rin ang NHA ng ceremonial distribution ng Certificates of Unit Allocation (CUAs) para sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Ang mga pamilyang ito ay dumaan sa verification at census na isinagawa ng LGU Valenzuela.

Higit pa rito, hinimok din ni GM Tai ang tatanggap ng proyekto na panatilihing maayos ang kanilang mga tahanan at tiyakin ito bilang isang lugar ng kapayapaan sa loob ng nasabing komunidad.

“Ang hiling lamang namin sa ating mga mahal na benepisyaryo: nawa’y alagaan at pagyamanin ninyo ang mga yunit ng pabahay na igagawad po namin sa inyo. Hangad po namin na ang bawat yunit na ito ay magsilbing sandigan at gabay ninyo tungo sa kaginhawaan,” dagdag ni GM Tai.

Bukod dito, ang kaganapan ay isa sa mga nakalinyang aktibidad alinsunod sa pagdiriwang ng ika-28 cityhood anniversary ng Valenzuela City ngayong buwan ng Pebrero.

Dumalo rin sa seremonya sina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon P. Aliling, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rexlon T. Gatchalian, Valenzuela City First District Congressman Kenneth T. Gatchalian, City Mayor Weslie T. Gatchalian, City Vice Mayor Marlon Paulo C. Alejandrino, Arkong Bato Punong Barangay Alvin Feliciano Jr., at iba pang opisyal ng pamahalaan.
(PAUL JOHN REYES)