NHA, NAKIISA SA BUONG BANSA SA PAGDIRIWANG NG 2026 NATIONAL WOMEN’S MONTH
- Published on March 12, 2026
- by @peoplesbalita
NAKIISA ang National Housing Authority (NHA) sa pagdiriwang ng 2026 National Women’s Month ngayong buwan ng Marso, na nagpapakita ng mas pinagtibay na pangako ng ahensya sa gender equality at women’s empowerment.
Sa ilalim ng pamumuno ni General Manager at Gender and Development (GAD) Champion Joeben A. Tai, buo ang suporta ng ahensya sa kampanya ngayong taon na pinangunahan ng Philippine Commission on Women (PCW), alinsunod sa temang “WE for Gender Equality and an Inclusive Society” at ang sub-theme nitong “Lead like the Babaylans, Filipinas!”
Binibigyang-diin ng pagdiriwang sa taong ito na ang pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng bawat kasarian ay isang kolektibong responsibilidad. Nananawagan ito sa konsepto ng ‘Women and Everyone (WE)’ na naglalayong pagpapaunlad ng ligtas, inklusibo, at isang matatag na komunidad. Buhat sa inspirasyon mula sa lakas, karunungan, at pamumuno ng mga Babaylan–na mga simbolikong pigura ng impluwensya ng kababaihan sa kasaysayan ng Pilipinas–kinikilala ng NHA ang hindi matatawarang papel ng kababaihan sa paghubog ng mga tahanan, pagpapalakas ng mga institusyon, at pagbuo ng bansa.
Sa kanyang mensahe, binigyang-linaw ni GM Tai ang malalim na pagpapahalaga ng NHA para sa mga babaeng empleyado ng ahensya, habang kinikilala ang kanilang mahalagang kontribusyon bilang mga propesyonal, pinuno ng kani-kanilang komunidad, may-ari ng kanilang mga kabahayan, at mga katuwang sa pagbuo ng bansa.
“Ang kanilang dedikasyon ay nagpapalakas sa aming trabaho at pangako na mas mapaglingkuran ang bawat pamilyang Pilipino nang may dignidad, pagkakapantay-pantay, at pagdamay,” ani GM Tai.
Pinagtibay pa nito ang tunguhin ng NHA na i-mainstream ang gender equality sa mga patakaran, polisiya, at programa ng ahensya.
“Bilang General Manager, pinapangako po ng NHA na mas itataguyod namin ang mga inklusibong oportunidad, pagtiyak ng isang ligtas at patas na ahensya, at pagsuporta sa mga inisyatibang nagbubukas ng pagkakataon para sa ating mga kababaihan tungo sa kanilang paglago,” dagdag ni GM Tai.
Upang mas suportahan ang makabuluhang pagdiriwang ng buwang ito, naghanda ang NHA-GAD Advocacy, Networking, and Public Communications Committee (ANPCC) na pinamumunuan ni Community Support Services Department Officer-in-Charge Maricris G. Maninit, ng ilang aktibidad.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, muling pinagtitibay ng NHA ang mandato nito na bumuo ng mga komunidad kung saan ang bawat kababaihan ay maunlad, namumuno, at nagbibigay-inspirasyon sa pamamagitan ng pagsulong ng isang mas inklusibo at pantay na lipunan para sa lahat. (PAUL JOHN REYES)