• August 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, NAGPATUPAD NG MORATORIUM SA AMORTIZATION AT LEASE PAYMENTS

NAGPATUPAD ang National Housing Authority (NHA) ng isang buwang automatic moratorium sa mga housing loan amortization at lease payments ngayong buwan ng Agosto para sa mga residential account holder sa mga proyekto ng NHA na saklaw ng naturang hakbang, bilang pansamantalang kaluwagang pinansyal para sa mga pamilyang naapektuhan ng umiiral na Habagat (Enhanced Southwest Monsoon).

Alinsunod sa NHA Memorandum Circular No. 2026-048, saklaw ng moratorium ang mga residential account holder sa National Capital Region (NCR), Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Zambales, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro.

Ipinatutupad ang hakbang sa gitna ng Habagat (Enhanced Southwest Monsoon) na nagdulot ng malawakan at tuloy-tuloy na pag-ulan sa NCR at ilang lalawigan sa Luzon. Kasunod ito ng pagdaan ng Tropical Depression “Luis” at Tropical Storm “Maymay” nitong mga unang araw ng buwan, na kalauna’y humina at naglaho.

Agarang ipinagkaloob ang moratorium sa lahat ng saklaw na residential account holder at hindi na kinakailangang magsumite ng aplikasyon upang makinabang dito. Sa panahon ng moratorium, walang ipapataw na delinquency o karagdagang interest charges, habang suspendido ang accrual ng penalties, interest, at surcharges. Magpapatuloy ang pagbabayad ng amortization at lease obligations sa Setyembre 1, 2026, habang palalawigin naman ng isang buwan ang repayment period ng mga saklaw na residential account. Muling ipatutupad sa Setyembre 1, 2026 ang mga bayarin at charges na naipon bago ang Agosto 1, 2026.

Patuloy ang NHA sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga benepisyaryo nito sa pamamagitan ng mga hakbang na tumutulong sa mga pamilya na pamahalaan ang kanilang mga obligasyon sa pabahay sa panahon ng mahihirap na kalagayan at mapanatili ang kanilang access sa disente, abot-kaya, at sustainable na pabahay.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai, “Tayo po sa NHA ay nakasunod sa bilin ng ating Presidente Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na tulungan ang ating mga kababayang nasalanta nitong nakalipas na habagat at sa pamamagitan ng moratorium para aming mga beneficiaries, maibsan at mapagaan sana nito ang inyong sitwasyon at gastusin.”

Ang NHA ay isang attached agency ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at patuloy na isinusulong ang mga responsive na programa at serbisyo sa pabahay bilang suporta sa Bagong Pilipinas na agenda ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

 (PAUL JOHN REYES)