NHA NAGKALOOB NG HIGIT ₱64 MILYONG EHAP SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA PAROLA, MANILA
- Published on June 1, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAGKALOOB nitong Mayo 29, 2026 si National Housing Authority General Manager Joeben A. Tai ng kabuuang ₱64 milyon na tulong pinansyal sa 2,134 pamilyang naapektuhan ng sunog na naganap sa Parola, Tondo, Maynila noong Mayo 23, 2026.
Kasunod ito ng pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang kamakailang pagbisita sa mga apektadong pamilya, kung saan inatasan niya ang NHA na agarang magbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP).
Dito ay tumanggap ang bawat pamilya ng ₱30,000 na umabot sa kabuuang ₱64,020,000 ang naipamahagi sa mga benepisyaryo.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang mula sa Brgy. 275, Zone 25, Parola Compound, partikular sa Gate 46, 52, 54, 56, at 58.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni General Manager Joeben A. Tai sa mga apektadong pamilya na nananatiling matatag ang NHA sa paghahatid ng agarang tulong at mga programang pabahay para sa mga komunidad na naapektuhan ng mga kalamidad at sakuna.
Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na naglalayong magbigay ng tulong-pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog, pagbaha, lindol, at iba pang kalamidad upang matulungan silang muling makabangon at makapagsimulang muli.
Kinilala rin ng NHA ang matibay na pakikipagtulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, na naging mahalagang katuwang ng ahensya upang maisagawa nang maayos at mabilis ang pamamahagi ng ayuda sa mga apektadong residente.
Sa ilalim ng pamumuno ni GM Tai, patuloy na pinapalakas ng NHA ang mga programa nito upang makapaghatid ng ligtas, matatag at sustanableng mga solusyon sa pabahay para sa mga pamilyang Pilipinong nangangailangan, kasabay ng agarang pagtugon ng pamahalaan sa panahon ng mga sakuna.
Ang aktibidad ay ginanap sa Leonardo B. Fugoso Sports Complex (dating Delpan Sports Complex) sa Maynila. Ito ay dinaluhan nina kung saan ito ay dinaluhan Manila Mayor Domagoso, Manila Urban Settlements Office Head Jay Delafuente, NHA West Sector Regional Manager Cromwell C. Teves, at mga opisyal mula sa lokal na pamahalaan at NHA.
Alinsunod sa layunin ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Marcos, Jr., patuloy ang NHA sa pagbibigay ng maaasahang tulong sa pabahay para walang pamilyang mapag-iwanan. (PAUL JOHN REYES)