• June 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA, AABOT SA ₱624-M NA PENALTIES AT INTERESTS ANG INALIS SA MGA DELINQUENT HOUSING LOAN ACCOUNTS

UMABOT na sa ₱623,715,596.85 ang tinanggal na penalties at interests ng National Housing Authority (NHA) sa pamamagitan ng Condonation 7 program nito.

Bilang isa itong pinakamalaking condonation initiative sa kasaysayan ng ahensya, ang Condonation 7 Programa ay naghatid ng malaking ginhawa sa mga benepisyaryo sa buong bansa. Ipinatupad sa ilalim ng pamumuno ni NHA General Manager Joeben A. Tai, nagkaloob ang programa ng pagtanggal ng 100% na penalties at delinquency interest, at pag-alis ng 95% ng hindi pa nababayarang interes sa amortisasyon. Sa kasalukuyan, nakakolekta na ang NHA ng ₱29,374,466.19 mula sa mga pamilyang nagsumikap mai-settle at mai-update ang kanilang mga housing loan accounts.

Orihinal na nakatakdang nagtapos noong Oktubre 31, 2025, pinalawig ang programa upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming pamilya, lalo na ang mga naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad at pag-taas ng bilihin, na makapag-avail ng benepisyo. Habang nalalapit ang pagtatapos ng programa, ibinahagi ng ilang benepisyaryo kung paano sila natulungan ng Condonation 7 upang tuluyang maisaayos ang kanilang matagal nang obligasyon sa pabahay.

Muling iginiit ni GM Joeben Tai ang pangako ng ahensya sa pagsusulong ng mga ligtas at komprehensibong programang pabahay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) bilang tugon sa bisyon ng Bagong Pilipinas. “Sa pamamagitan po ng Condonation 7, maraming pamilya po ang aming natulungan ngayong taon na makaahon sa kanilang pagkakautang sa pabahay at mabawasan ang kanilang bayarin. Makakaasa po kayo sa aming ahensya na kami ang inyong sandigan sa programang pabahay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos, Jr.,” pahayag ni GM Tai.

Matapos ang walong buwan na pagpapatupad, mayroong 14,330 pamilya ang nakinabang sa malaking diskwento na inilabas ng Ahensya. Nakatakdang magtapos ang programa sa darating na Disyembre 31, 2025.

Isinulong ng NHA Condonation 7 Program na ang maayos na pabahay ay patungo sa isang maginhawang buhay at matatag na komunidad. Maliban sa pagtugon sa matagal na pagkakautang ng mga benepisyary, nagdulot din ito sa kanila na patatagin ang kanilang pinansyal na kalagayan, palakasin ang kanilang kabuhayan, at panatilihin ang kanilang pagtira sa kanilang mga tahanan at lote. (PAUL JOHN REYES)