• July 22, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Ngayong pumayag na buksan ang bank at financial records ni VP Sara….House prosecution panel, kumpiyansang uusad na ang impeachment process

MATAPOS katigan ng Senate impeachment court ang kanilang hiling na kunin at buksan ang mga bank at financial records ni Bise Presidente Sara Duterte, nagpahayag ng kumpiyansa ang House prosecution panel na tuluyan nang uusad ang impeachment process.

Ito rin ang pahayag ni House prosecutor Akbayan Party-list Rep. Jose Manuel “Chel” Diokno matapos siyang tanungin sa posibilidad na iaakyat nila ang isyu ng subpoena ng mga bank at financial records sa Supreme Court.

“Una-una, syempre, that is within the options available to the defense. But at the same time, we hope that there will be no obstacles to the continuation of the trial,” sinabi ni Diokno sa press briefing nitong Martes. 

Sinabi ni Diokno na umuusad na ang impeachment trial gaya ng inaasahan, natapos ang pre-trial at naumpisahan na ng prosecution na iprisinta ang kanilang mga testigo. 

“Nagsimula na po ‘yung paglilitis natin, tapos na tayo sa pre-trial, nakapagpresenta na ang prosecution ng dalawang testigo, at dapat tuloy-tuloy na itong prosesong ito,” sabi ng Diokno.

At sa posibilidad na hamunin ng defense panel ang subpoena sa Korte Suprema, sinabi ni Diokno na magiging oportunidad din ito na klaruhin ang saklaw ng kapangyarihan ng judiciary at ng Senate impeachment court. 

“Makikita din natin kung sakasakaling aakyat ’yan, kung ano ang gagawin ng ating Supreme Court, especially when it comes to the issue of, ano ba talaga ‘yung ibig sabihin ng sole power to try and decide an impeachment case,” tugon ni Diokno. 

Aniya, marami nang kasong may kaugnayan sa impeachment ang nadesisyunan na ng Supreme Court tulad ng Francisco vs. House of Representatives, Gutierrez vs. House of Representatives at Duterte vs. House of Representatives.

 “But I do hope that it will become very clear for the future, na maging klarong-klaro at malinaw sa lahat, ‘yung kapangyarihan ng Senate impeachment court on the one hand, at ‘yung kapangyarihan ng Supreme Court on the other,” pahayag ni Diokno. 

(Vina de Guzman)