INIHAIN ni Quezon City Rep.Jesus "Bong" Suntay ang House Bill No. 3857 o False Claims and Whistleblower Protection Act upang mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa korapsyon at maling paggamit ng pondo ng bayan.
"Panahon na para mas maging accountable ang lahat. Kung sino man ang mag-submit ng false claim laban sa gobyerno, mananagot — at may kasama pang triple damages," ani Suntay.
Sa ilalim ng panukalang batas:
• Mabigat na Parusa – Multa mula ₱500,000 hanggang ₱4,000,000 bawat violation, kasama ang treble damages (tatlong beses ng halagang nawala sa gobyerno).
• Reward System – Mga ordinaryong mamamayan na maglalantad ng katiwalian ay pwedeng tumanggap ng 15–30% ng halagang mababawi.
• Proteksyon sa Whistleblowers – May safeguards laban sa harassment, panggigipit, at illegal dismissal. Garantiyado rin ang reinstatement, back pay, at damages kung sakaling mag-retaliate ang kanilang employer.
"Hindi lang ito laban kontra pandaraya. Isa itong panukala para bigyan ng boses at proteksyon ang mga matitinong Pilipino na handang lumaban para sa tama," dagdag ni Suntay.
Bukod pa dito, ayon sa mambabatas, "hindi biro ang magkaso ng recovery cases. Masyadong mabagal, magastos, at minsan nauuwi sa wala. Sa ilalim ng panukalang ito, mas magiging mabilis ang proseso, mas mabigat ang parusa, at mas protektado ang mga maglalakas-loob na magsumbong".
Kung maisasabatas, ang HB 3857 ay magbibigay ng malinaw na mensahe: ang kaban ng bayan ay hindi laruan ng mga mandaraya.
(Vina de Guzman)