Nagpaabot ng pakikiramay ang Kamara sa pagpanaw ni Rep. Romeo Macusi Acop
- Published on December 22, 2025
- by @peoplesbalita
AYON kay Speaker Faustino “Bojie”Dy III, lubos na nagdadalamhati ang kapulungan sa pagyao ni Antipolo City 2nd District Rep Romeo Macusi Acop, isang lingkod-bayang tapat, matapang at may matibay na paninindigan.
“Siya ay huwaran ng integridad sa serbisyo publiko. Sa bawat tungkuling kanyang ginampanan, malinaw ang kanyang paninindigan na ang batas ay para sa kapakanan ng mamamayan at ang kapangyarihan ay pananagutan, hindi pribilehiyo,” pahayag ng Speaker.
Malaking kawalan aniya ang pagpanaw ng mambabatas para sa Kongreso, para sa Antipolo at para sa sambayanang Pilipino.
Gayunpaman, sinabi ni Dy na ang naging halimbawa ni Acop, bilang isang marangal at tapat na lingkod-bayan ay mananatili at patuloy na magsisilbing gabay sa mga institusyong kanyang pinaglingkuran.
Idinagdag nito na nakikiisa ang kapulungan sa pagluluksa ng kanyang pamilya, mga kaibigan at iba pang mahal sa buhay.
“Maraming salamat, Cong. Romeo Acop. Ang inyong serbisyo, dangal, at mga makabuluhang kontribusyon ay hindi namin malilimutan,” pagtatapos nito.
(Vina de Guzman)