• June 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Nagbukas ng mga opisina sa Paris, Cannes, at Seville: NDMstudios nina Direk NIJEL, layunin na gumawa ng mga kuwentong may global appeal (ni: ROHN ROMULO) 

SA makasaysayang 25th Year anniversary ng NDMstudios, patuloy na gumagawa ng ingay sa international film scene ang kumpanya matapos nitong opisyal na buksan ang mga bagong representative offices nito sa Paris, Cannes (France), at Seville (o Sevilla sa Spain). 

Isang malaking hakbang para sa lumalawak nitong presensya sa Europe—lalo na para sa kanilang streaming platform na NDM PLUS!

Kasunod ito ng matagumpay na paglahok ng kumpanya sa Marché du Film sa Cannes noong 2026, kung saan nakipagpulong sina Nijel de Mesa at Ms. Jan Christine sa iba’t ibang international distributors, filmmakers, producers, at creative partners mula sa iba’t ibang bansa.

Isa sa pinakamahalagang bahagi ng expansion na ito ay ang pagkakahirang kay Ms. Sylvie Ann Mariano bilang kauna-unahang Managing Director ng NDMstudios Europe. Bilang isang Filipinang lumaki sa France, magsisilbi siyang tulay para mas mapalapit ang Asian at European storytelling.

Naghahanap na ngayon ang NDMstudios ng French at Spanish actors para sa mga upcoming international productions nito sa French at Spanish languages. Layunin ng studio na gumawa ng mga kuwentong may global appeal habang nananatiling authentic at culturally rich.

Kabilang sa pinakaabangan nilang proyekto ang CRIMES OF ANDALUSIA, isang intense drama film na nakatakdang i-shoot sa Spain. Ang kuwento ay isinulat ng Spanish novelist na si Marco Miguel, habang ang screenplay adaptation naman ay ginagawa ni Direk Nijel de Mesa, na isang Palanca award-winning writer. Tampok din si Marco Miguel sa pelikula bilang isa sa mahahalagang karakter nito.

Samantala, itinalaga rin si Mr. Paolo Sergio bilang talent scout sa Seville upang tumulong sa paghahanap ng mga bagong Spanish talents at mas mapalakas ang koneksyon ng studio sa European creative industry.

Bahagi ang lahat ng ito ng mas malaking global vision ng NDM PLUS—ang streaming at creative platform na nakatuon sa mga kakaiba, matapang, at makabuluhang kuwento mula sa iba’t ibang panig ng mundo.