Nag-negatibo na sa RT-PCR test para sa Covid-19
- Published on March 27, 2021
- by @peoplesbalita
IBINALITA ni Presidential Spokesman Harry Roque na nag-negatibo na siya sa Reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test at nakompleto na niya ang kanyang 2-week quarantine para sa COVID-19 matapos na mahawaan.
Matatandaang, nito lamang Marso 15 ay inanunsyo ni Sec. Roque na nagpositibo siya sa COVID-19. Isa aniya siyang asymptomatic.
Sinabi ni Sec. Roque na nakatanggap siya ng certificate dahil nakumpelto niya ang kanyang 2-week quarantine.
“Nag-negative na po ako sa PCR result,” masayang ibinalita ni Sec.Roque.
Aniya, posible aniyang nahawaan siya ng novel coronavirus sa isa sa kanyang 15 beses na pagbisita sa ospital sa loob ng dalawang linggo.
Hindi naman nito dinetalye ang dahilan ng kanyang pagbisita sa ospital.
“Kung talagang hindi kinakailangan pumunta sa ospital, di na po ako tatapak sa ospital,” ang pahayag ni Sec.Roque, na hindi rin naman lingid sa kaalaman ng publiko na palaging bumi-byahe patungong lalawigan kahit na may pandemiya.
Samantala, ang apat pang Cabinet members na naka-recover sa covid 19 ay sina Education Secretary Leonor Briones, Public Works Secretary Mark Villar, Trade Secretary Ramon Lopez, at Interior Secretary Eduardo Año. (Daris Jose)